TINULIGSA ng kampo ni dating Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano ang petisyon ng kritiko nito partikular sa disqualification case laban sa dating kalihim at sa misis nito na si Taguig City Mayor Lani Cayetano.
Itinuring din ng abogado ng mag-asawa na “shallow” o mababaw ang argumento ng mga kritiko ng mga Cayetano.
Ang mag-asawa ay kapwa nagsumite ng kandidatura para sa 2019 elections upang maging kinatawan ng dalawang distrito ng Taguig City.
Dahil dito, tinawag ng mga kritiko ang mga Cayetano na bumubuo ng dynasty at ang argumento ay ang kanilang mga address.
Tinawag na garapal ng abogado ng dating DFA secretary na si Atty. George Garcia ang mga kritiko nito gayundin ang pasaring laban sa mga Cayetano na bumuo ng dynasty sa Taguig, dahil sa pagtakbo rin ni Deputy Speaker Pia Cayetano bilang senador; at dating Cong. Lino Cayetano bilang alkalde.
Paliwanag ni Garcia, ang mga residente ng Taguig ang nagnanais na maglingkod sila sa lungsod at mababaw ang argumento ng kritiko ng mga Cayetano ukol sa isyu ng address.
“A person can have several residences at the same time based on election law doctrines and the Supreme Court itself,” ayon pa kay Garcia.
“Let us say, for example, [si] Pedro, is a resident, domicile of Quezon, and then his wife happens to be a resident, domicile of Bicol, and then they had chosen Makati as their matrimonial domicile or matrimonial residence; ang ibig sabihin ba nun si Pedro ‘di na puwede bumalik, bumoto, ma-elect sa Quezon, at pagkatapos si Maria ‘di na puwede ma-elect, bumoto sa Bicol kahit pa nag-establish sila ng kanilang residence in Makati?” paliwanag pa ni Garcia.
Giit pa ni Garcia na huwag sanang masamain ng publiko kung sabay-sabay na tumakbo ang mag-asawa at magkakapatid na Cayetano dahil sumasalamin naman daw ang kanilang mga nagawa sa pag-unlad ng Taguig City. Paglilinaw pa ni Garcia na alinsunod sa batas ang pagtakbo nang sabay ng mag-asawang Cayetano bilang kongresista.
“The former Foreign Affairs secretary’s domicile of origin, is Bagumbayan, District 1, where he is run-ning for a seat in the House of Representatives, he explained. The incumbent Taguig mayor, for her part, has The Fort in District 2 as domicile,” ayon pa kay Garcia. PILIPINO Mirror Reportorial Team