Ilang beses palang pinigilan ni veteran actress Sylvia Sanchez ang anak na si Arjo Atayde sa pag-aartista.
Ten years old pa lang daw ay gusto na nitong mag-artista pero sinabi niyang tapusin muna ang pag-aaral.
Ngayon, naghakot ng awards si Arjo, wala na siyang masabi.
Noong September 5, 2024, nanalo si Arjo bilang Best Lead Actor in a TV Program sa Content Asia Awards 2024 para sa mahusay niyang pagganap bilang Anton dela Rosa sa Cattleya Killer.
Ang Cattleya Killer ay isang ABS-CBN International Productions series na co-production ng ABS-CBN Studios at Nathan Studios, na pinamumunuan naman ni Sylvia.
Nanalo rin ng best actor award si Arjo para sa pelikulang Bagman sa Asian Academy Creative Awards sa Singapore noong 2020.
“Ngayon, abroad naman siya nananalo… At saka abroad yun, at saka hindi lang siya isang beses, dalawa na.
“Tapos lalaban na naman siya ulit. Parang, ‘Oh my god.’”
Ang Topakk, na pinagbidahang action film ni Arjo, ay unang pinalabas sa Cannes Marché du Film Fantastic Pavilion sa France noong May 2023 at sumunod sa Locarno Film Festival sa Switzerland noong August 2023.
“Kinukulit niya ako nung bata pa siya, alam niyo yun, alam niyo yan, kayo mga barkada ko, e,” pagtukoy ni Sylvia sa sumulat ng artikulong ito.
“Elementary pa siya, grade school pa siya, gusto niya mag-artista. Hindi ko siya pinapayagan, kasi gusto ko nga siya mag-aral.
“Tapusin niya, maging businessman siya. Pag naging businessman na siya, kung gusto niya mag-showbiz, e, di why not?
Hindi raw niya pinu-push niya si Arjo na pasukin ang showbiz.
“Never ko pinush yun. Ako pa nga yung nag-i-stop na mag-artista.
“Pero talagang wala, e. Kailangan kong pakawalan, kasi nagwawala na siya nung high school, e.”
Kuwento pa ni Sylvia tungkol Arjo, “Hindi na niya maintindihan, ‘Ba’t hindi mo ako pinapayagang mag-artista?’
“Tapos nung pagka-graduate niya ng grade school, sabi, ‘Naka-graduate na ako, o artista na ako!’
“Sabi ko, ‘Hindi, kasi high school, kasi padre de familia ka.’ After nung high school, sinabi ko naman, after ng college. Hindi na mapigilan, e.”
Hindi na napigilan si Arjo na pasukin ang pag-arte matapos siyang sumailalim sa isang acting workshop ng Star Magic, ang talent management arm ng ABS-CBN.