EKSAKTONG hatinggabi, ipinatupad na ang 150 araw na election gun ban at ilang oras bago postehan ng mga pulis ang checkpoints ay ipinaalala na ni Philippine National Police (PNP) Spokesman Col. Roderick Augustus Alba ang pinaigting nilang paghihigpit laban sa mga hindi awtorisadong magdala ng armas.
“Effective at midnight tonight (12:00AM, 09 January 2022) and 150 days thereafter, the PNP will conduct checkpoint operations in strategic locations to strictly implement the nationwide prohibition on the carrying of firearms by unauthorized individuals effective January 9, 2022 until June 8, 2022 in connection with the 2022 National and Local Elections on May 9, 2022,” bahagi ng pahayag ni Alba.
Aniya, inatasan na ng PNP National Headquarters sa pamamagitan ng Directorate for Operations ang mga Police Regional Offices na magtayo ng Joint PNP-COMELEC-AFP checkpoints para sa pagpapatupad ng mandato na siyasatin ang lahat ng mga biyahero laban sa mga armas partikular ang loose firearms at iba pang deadly weapons.
Ang hakbang ay alinsunod sa Omnibus Election code kung saan dapat matiyak ang katiwasayan lalo na’t papalapit na ang May 2022 elections.
Isa rin sa tutukan ng pulisya ang seguridad ng bansa laban naman sa Private Armed Groups (PAGs), criminal elements at wanted persons.
Ang paghihigpit sa mga checkpoint ay bahagi rin ng COVID-19 response kaya posibleng sa mga lokasyon ay naroon din ang Quarantine at Border Control Points sa mga lugar na nasa Alert Level 3.
Alinsunod sa Comelec Resolution No. 10728, sinuspinde na rin ng PNP ang bisa ng lahat ng Permits to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) na inisyu sa licensed firearm holders, juridical entities at miyembro ng government law enforcement agencies.
Sa ilalim ng Resolution, lahat ng gun carrying privileges sa bisa ng PTCFOR na inisyu ng PNP ay suspendido sa panahon ng election gun ban na magwawakas sa Hunyo 8.
Bawal na rin ang permiso ng pagbiyahe ng armas, bala, pampasabog, public firearms display and exhibits, gayundin ang employment ng security personnel para sa VIPs.
Nanawagan naman ang PNP sa publiko na sundin ang itinadhana ng COMELEC Resolution No. 10728 na nagtakda ng 150-day firearms prohibition period para sa panahon ng election period simula ngayong araw, Enero 9 hanggang Hunyo 8. EUNICE CELARIO
SPD HANDA NA SA COMELEC GUN BAN
INIHAYAG ni Southern Police District (SPD) director Brig. Gen. Jimili L. Macaraeg na nakahanda na ang buong puwersa ng pulisya sa kanyang lugar na nasasakupan para sa pagpapatupad ng Commission on Elections (COMELEC) gun ban na magsisimula sa Enero 9 hanggang Hunyo 8 ng kasalukuyang taon.
Ang pagpapatupad ng gun ban alinsunod sa COMELEC Resolution No. 10728 na nagbabawal sa pagdadala ng baril at iba pang nakamamatay na sandata sa mga nabanggit na petsa.
Nationwide ang pagpapatupad ng gun ban kabilang na rin ang pribilehiyo ng mga may hawak ng Permit to Carry Outside Residence (PTCOR) ay pansamantalang sinususpinde.
Gayunpaman, pinapayagan naman na magdala ng baril ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) pati na rin ang iba pang Law Enforcement Agencies (LEAs) na nagsasagawa ng kanilang opisyal na tungkulin habang ang mga ito ay naka-uniporme.
Sinabi din ni Macaraeg na maglalagay din ang SPD ng mga COMELEC checkpoints upang maging epektibo ang pagpapatupad ng gun ban sa panahon ng pangangampanya para sa eleksyon.
“With the upcoming National and Local Elections 2022, we will intensify efforts to maintain a peaceful start of campaign period up to election day by conducting series of police operations, inspection of crime prone areas, police and mobile visibility and patrolling. Likewise, I ask everyone especially gun owners to cooperate with the existing COMELEC gun ban,” ani pa Macaraeg. MARIVIC FERNANDEZ