ARMADONG DRUG PEDDLER SUGATAN SA BUY BUST OPS

buy-bust

ISANG drug pusher ang nasugatan nang bumunot ng baril at manlaban sa Drug Enforcement Unit (DEU) ng Bulakan police makaraang magtangkang tumakas nang makatunog na ­aarestuhin ito matapos ang isinagawang buy bust operation sa Barangay Sta. Ana, Bulakan, Bulacan kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni P/Supt.Grace Naparato, Bulakan police chief, ang naarestong suspek na si Alejandro Reyes Jr. y Juan alyas Badong, 38, binata, ng Barangay Sta. Ana, Bulakan na kaagad dinala sa Gregorio District Hospital bunga ng tama ng bala sa kaliwang hita bago inilipat sa Bulacan Crime Labora-tory Office-Malolos para sumailalim sa eksaminasyon.

Bandang alas-2:30 ng hapon nang magsagawa ng anti-illegal drug operation ang DEU operatives ng Bulakan PNP at kanilang target ang tulak na si Reyes sa Barangay Sta.Ana, Bulakan ngunit nakatunog itong pulis ang kanyang katransaksiyon kaya nagtatakbo ito at bumunot ng baril saka pinaputukan ang awtoridad.

Dito na nagkaroon ng habulan at putukan hanggang sa magtago ang suspek sa palaisdaan sakop ng Barangay San Francisco ngunit dahilang nakababad sa tubig ang kanyang sugatang hita matapos mabaril ng awtoridad ay napilitang sumurender ang tulak sa nakapaligid na kapulisan.

Narekober sa suspek ang anim na pakete ng shabu ngunit nabigo ang pulisya na marekober ang hindi mabatid na kalibre ng baril ng nasakoteng tulak at pinaniniwalaang itinapon niya ito sa palaisdaan habang tinutugis ng awtoridad matapos ang mahabang habulan. A. BORLONGAN

Comments are closed.