ARMAS, PAMPASABOG NG NPA NAREKOBER NG MILITAR

SORSOGON CITY – NASA anim na high powered firearms at dalawang anti-personnel mines (APM) ang nasamsam ng tropa ng pamahalaan sa magkahiwalay na operasyon kahapon ng umaga sa lalawigang ito.

Batay sa ulat, nagsasagawa ng combat operations ang mga sundalo nang matanggap ang impormasyon na may mga nakatagong mga armas ng New Peoples Army (NPA) sa sa Brgy Calpi sa bayan ng Bulan na agad nilang pinuntahan.

Dakong ala-5:10 ng madaling araw nang madiskubre ng tropa ng 22nd Infantry Battalion sa nasabing lugar ang tatlong M16 A1 rifles, isang kalibre .38 na revolver, dalawang anti-personnel mine, 5 magazine para sa M16 rifle, 73 piraso ng bala para sa M16 rifle, blasting caps, 20 metros na wire at propaganda materials.

At alas-8:10 ng umaga naman nang makaengkwentro ng tropa ng 31st IB ang hindi mabilang na rebeldeng NPA sa Brgy San Fernando sa bayan ng Pto Diaz.

Narekober naman dito ang tatlong M16 rifle at propaganda materials ng NPA.

Patuloy sa ngayon ang pagsisiyasat ng dalawang tropa sa mga karatig na lugar na puwedeng pagtaguan ng mga rebelde.