NAGPAHAYAG ng matinding pagtutol ang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) laban sa panukalang pag-aarmas ng mga pari.
Ayon kay CBCP President Davao Archbishop Romulo Valles, tutol siya na bigyan ng armas ang mga pari upang matiyak ang kanilang kaligtasan saan man sila magtungo.
Iginiit ni Archbishop Valles na bilang mga pari ay bahagi ng kanilang ministry na maharap sa panganib maging kamatayan at katungkulan nilang harapin ang anumang panganib upang tuparin ang misyon kay Kristo.
“I would strongly oppose to arm the priest. We are men of God, men of the church and it is part of our ministry to face (not always) but to face dangers, to face deaths if one may say that way. But we would do it just what Jesus did…” pahayag ni Archbishop Valles sa Radio Veritas.
Tutol din si Military Ordinariate Administrator Bishop Oscar Jaime Florencio na armasan ang mga pari dahil ang pag-aarmas ay lalo lamang magdudulot ng kaguluhan.
Ayon sa Obispo, hindi rin nito mareresolba ang problema.
Matatandaan na binaril at napatay si Fr. Marcelito Paez sa Jaen, Nueva Ecija, noong December 4 habang binaril din at napatay si Fr. Mark Ventura sa Gattaran, Cagayan noong April 29.
Ligtas at nagpapagaling sa kasalukuyan si Father Rey Urmentera ng Diocese of San Pablo matapos barilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin noong ika-6 ng Hunyo.
Si Rev. Fr. Richmond Nilo, 44, na pari ng Diocese ng Cabanatuan ay nabaril at napatay ng hindi pa nakikilalang salarin sa altar ng Nuestra Señora dela Nieve sa Mayamot Zaragosa, Nueva Ecija noong June 10. PAUL ROLDAN
Comments are closed.