ARMY GENERAL SINIBAK VS PLAZA KILLING

DAVAO CITY- INUTOS kahapon ni Philippine Army chief Lt. Gen. Romeo Brawner Jr., ang pagsibak sa puwesto sa isang Army General na idinadawit sa Yvonette Chua Plaza killing sa lalawigang ito.

“The Philippine Army will not condone any criminal act committed by its personnel. As such, BGen Jesus Durante has been relieved as Commander of the 1001st Brigade, after being named as a person of interest in the murder of Yvonnette Chua Plaza,” ani Brawner.

Ayon kay Brawner, layon nito na bigyang daan na magkaroon ng patas at malalim na imbestigasyon sa kaso.

Kamakailan ay nagsilbi pang guest of honor at speaker si 1001st Infantry Brigade Commander Brig. Gen. Jesus P. Durante III sa pagtatapos ng 164 sundalo sumailalim sa Scout Ranger Course (SRC) sa Camp Pablo Tecson, San Miguel, Bulacan.

Una nang itinanggi ni Durante na may kinalaman siya sa naganap pagpatay kay businesswoman at model Yvonne Chua Plaza sa Davao City.

Sa mga panayam, mariing itinanggi ng kasalukuyang pinuno ng Army’s 1001st Brigade na nakabase sa Davao de Oro na may kaugnayan siya sa pagpatay sa 38 anyos na model businesswoman.

“I, myself, am asking for justice for Yvonne,” pahayag pa ng heneral.

Nabatid na nakaladkad lamang ang pangalan ng opisyal dahil sa isang Facebook post na inuugnay siya sa modelo.

Si Plaza ay binaril ng riding in tandem sa harap ng inuupahan nitong bahay sa Green Meadows subdivision sa Barangay Tugbok, Davao City noong Disyembre 30 ng nakaraang taon. VERLIN RUIZ