BIGONG maisalba ng mga doktor sa isang pagamutan ang opisyal ng Philippine Army makaraang pagbabarilin sa loob ng kanyang opisina nitong Sabado ng hapon sa Brgy. Marungko, Bulacan.
Sa report na tinanggap ni PNP Regional Director BGen. Jose Hidalgo Jr., kinilala ang biktima na si Army Major Dennis Moreno Y Naduja, 41-anyos, may-asawa, isa rin negosyante at nakatalaga sa AFPRESCOM sa General Headquarters sa lungsod ng Quezon.
Base sa paunang imbestigasyon ng mga tauhan ni Maj.Mark Anthony San Pedro, ganap na alas-5:45 ng hapon nitong Sabado dumating sa yarda ng trucking ng biktima ang suspek at walang sabi-sabing pinaputukan si Moreno.
Ayon naman sa secretary ng opisyal nang sundalo, bigla na lamang dumating ang hindi nakilalang lalaki na armado ng maikling kalibre ng baril at agad pinaputukan ang kanyang amo ng ilang beses.
Matapos ito ay mabilis na tumakas ang suspek lulan ng kulay itim na motorsiklo.
Nabatid sa mga awtoridad na posibleng may kinalaman sa negosyo nitong trucking ang sanhi ng pamamaslang sa opisyal ng sundalo.
Kaugnay nito, patuloy naman ang imbestigasyon ng mga pulis habang sinisilip na rin ng mga awtoridad ang mga CCTV sa lugar upang makatulong sa imbestigasyon sa pagkakakilanlan ng suspek.
THONY ARCENAL