TARLAC- MAY dalawampu’t isang bagong pasilidad ang ipinagkaloob ngayon sa Philippine Army mula sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na pinamumunuan ngayon ni dating Defense Secretary Delfin Lorenzana .
Ayon kay Army spokesman Col. Xerxes Trinidad , pormal na tinanggap ng Army Support Command (ASCOM) na nakabase sa Camp Servillano Aquino, Tarlac City ang 21 bagong pasilidad na itinayo sa tulong ng BCDA.
Nabatid na ang Army Support Command (ASCOM) facilities project ay bahagi ng 2017 memorandum of agreement na nilagdaan ng BCDA at ng Department of National Defense para sa paglipat ng mga pasilidad ng Army mula Fort Bonifacio sa Taguig City patungo sa Camp Servillano Aquino sa Tarlac.
Ayon pa kay Col Trinidad, nilagdaan ni Lorenzana at Philippine Army acting chief of staff Major General Jose Eriel Niembra na siyang kumakatawan kay Army commander Lt. Gen. Romeo Brawner Jr., ang dokumento para sa turnover ng mga pasilidad sa isang seremonya sa Camp Servillano Aquino.
Inihayag naman ni Niembra na ang paglilipat at pagtatayo ng mga modernong pasilidad ng ASCOM sa isang strategic location gaya sa Camp Servillano Aquino ay higit na magpapalakas sa kakayahan ng yunit na magbigay ng logistical support sa ground forces.
Dagdag pa ng heneral, ang mga pasilidad ay makapagbibigay ng mas mahusay na logistics, safe storage at management hub para sa ASCOM na nakatalagang magbigay ng firepower, transportation, organizational, at maintenance equipment support para sa lahat ng yunit ng Hukbong Katihan. VERLIN RUIZ