ARMY NANALASA SA DAY 1 NG ROTC GAMES SWIMMING

ZAMBOANGA CITY – Nagparamdam agad ng puwersa ang mga kadete ng Philippine Army matapos humakot ng siyam na gintong medalya sa swimming competition sa ikalawang edisyon ng Philippine Reserve Officers Training Course (ROTC) Games 2024-Mindanao Qualifying Leg na ginanap sa Joaquin Enriquez Memorial Sports Complex Swimming pool.

Dalawang ginto ang kinampay nina Jovaira Valle at Jellie Somera sa women’s event habang tig-dalawa rin ang napanalunan nina Ronnie Tayom at Heriame Guiao.

Nanalo si Valle sa Women’s 200m IM matapos irehistro ang 4:13.62 minuto at sa Women’s 50m Butterfly sa tiyempong 45.30 segundo.

Nagreyna naman si Somera sa Women’s 100m Freestyle (1:22.38) at sa Women’s 50m backstroke sa oras na 41.55 segundo.

Naghari si Tayom sa Men’s 200m Individual Medley sa naitalang 3:07.02 minuto at sa Men’s 50m backstroke sa oras na 37.04 segundo.

Ang ibang nakakuha ng ginto para sa Army ay si Reymond Pelisan sa Men‘s  100m Freestyle sa event na ang utak ay si Senador Francis “Tol” Tolentino.

Si Al Jhaes Haji ng Navy naman ang nakakuha ng maraming gold medal matapos pagwagian ang Men’s 200m IM, Men’s 50m Butterfly at Men’s  50m Backstroke.

Nagwagi naman sa volleyball ang Cagayan de Oro PHIMNA COC (Army) nang talunin nila sa tatlong sets ang Mindanao State University Sindangan, 25-9, 25-10, 2517.

Pinamunuan ni Gwyneth Lynn Delgado ang opensa para sa CDO PHIMNA.

Ang 6-day sportsfest para sa cadet-athletes mula sa colleges at universities sa Mindanao na tatagal sa Hunyo 29 ay suportado ng Philippine Sports Commission sa pamumuno ni Chairman Richard Bachmann.

CLYDE MARIANO