ARMY OFFICER UTAS SA ENGKUWENTRO

NPA

ABRA —  NAPATAY ang isang Philippine Army officer makaraang sumiklab ang bakbakan laban sa terrorist group na New People’s Army (NPA) sa liblib na Barangay Pacgued sa bayan ng Malibing ng lalawigang ito noong Lunes ng umaga.

Napuruhan sa ibabang bahagi ng kili-kili si 2nd Lt. Zaldy Lapis Jr. na lider ng 72nd Division Reconnaissance Company habang nakikipagbakbakan sa NPA’s North Abra command.

Base sa police report, lumilitaw na magkatuwang sa combat operation ang grupo nina Lapis at grupo ni 2nd Lieutenant Aldren Libodlibod ng 24th Infantry Battalion nang bigla silang ratratin ng terrorist group na Kilusang Larangang Gerilya (KLG).

Gayunpaman, gumanti ng putok ang grupo ng Phil Army kung saan nag-atrasan naman ang mga NPA rebel habang ginagamot si Lapis subalit hindi nagtagal ay binawian din ng buhay.

Sinasabing  si Lt. Lapis ang kauna-unahang Army officer na napatay sa government’s counter-insurgency drive sa north at central Luzon provinces makaraang ideklara ng Northern Luzon Command (Nolcom) na lumiliit na ang hanay ng terrorist group simula noong Disyembre 2020. MHAR BASCO

Comments are closed.