DAHIL sa nakabimbing apela, ipinagpaliban ng Manila Regional Trial Court (RTC) ang arraignment o pagbasa ng sakdal sa 10 miyembro ng Aegis Juris fraternity kaugnay sa kaso ng pagkamatay dahil sa hazing ng freshman law student na si Horacio “Atio” Castillo III.
Kabilang sa mga kinasuhan sa Manila RTC Branch 20 ay sina Ralph Trangia, Arvin Balag, Oliver John Audrey Onofre, Mhin Wei Chan, Danielle Hans Matthew Rodrigo, Joshua Joriel Macabali, Axel Munrio Hipe, Marcelino Bagtang, Jose Miguel Salamat, at Robin Ramos.
Nakasuot ng orange shirts na may tatak na detainee ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga akusado nang humarap sa hukuman kahapon ng umaga.
Babasahan sana ng sakdal ang mga ito, ngunit naipagpaliban ang arraignment sa Hulyo 24 dahil na rin sa petition for review ni Trangia na nakabimbin pa sa Department of Justice (DOJ).
Iniaapela ni Trangia sa DOJ ang desisyon nitong nagsasaad na may probable cause para sampahan sila sa korte ng kasong paglabag sa Anti-Hazing Act of 1995.
Ilang minuto lamang tumagal ang pagdinig sa Manila RTC at ipinabalik na rin sa kanilang piitan sa NBI ang mga akusado.
Dumalo sa pagdinig ang mga magulang ni Castillo at kanyang kapatid na babae, na nagpahayag ng pagkakuntento sa itinatakbo ng kaso ng 22-anyos na si Atio.
Una nang magkakasamang sumuko sa NBI ang mga akusado sa kaso matapos na magpalabas ng warrant of arrest laban sa kanila ang hukuman. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.