ARRIBA LETRAN! (Knights inagaw ang korona sa Lions)

Letran

NAKUMPLETO ng Colegio de San Juan de Letran ang isa sa pinakapambihirang upsets sa kasaysayan nang hubaran nito ng korona ang San Beda University at  pagharian ang NCAA Season 95 men’s basketball tournament sa harap ng 19,876 fans kahapon sa Mall of Asia Arena.

Nagbuhos si Jerrick Balanza ng 27 points at gumawa ng malaking defensive stop sa mga huling segundo nang wakasan ng Knights ang tatlong taong dominasyon ng Lions sa pamamagitan ng 81-79  panalo.

Nasupalpal ni Balanza ang potential championship-winning triple ni Evan Nelle upang selyuhan ang panalo sa klasikong best-of-three championship series.

Makaraang ma-diagnose na may brain tumor na nag-sideline sa kanya sa second round at sa Final Four noong nakaraang taon, naging matagumpay ang pagbabalik ni Balanza at tinapos ang kanyang collegiate career bilang isang kampeon sa isa pang pagkakataon para sa Knights.

“Sobrang bait ni God. Sobrang sarap sa pakiramadam. Nagpapasalamat ako sa Letran community,” wika ni Balanza. “Ito ang ginawa kong way para pasalamatan ko sila.”

Para sa Letran, ang hindi pagsuko ang susi sa kanilang tagumpay kung saan tumapos lamang sila bilang No. 3 team sa elimination round.  Ginapi ng Muralla-based squad ang San Sebastian at ang Lyceum of the Philippines University sa step-ladder semis upang umabante sa Finals.

“There is always a reason for everything,” wika ni coach Bonnie Tan, nasa kanyang unang season sa Knights.

“The boys deserve this. They worked hard for this”

Itinanghal si Fran Yu bilang Finals MVP bukod pa sa Most Improved Player makaraang mag-average ng 13 points, 6.6 assists at 3.3 rebounds sa serye.

Iskor:

Letran (81) – Balanza 27, Batiller 19, Ular 9, Yu 8, Muyang 6, Mina 6, Caralipio 4, Ambohot 2, Balagasay 0, Olivario 0, Javillonar 0, Sangalang 0.

San Beda (79) – Tankoua 22, Oftana 18, Canlas 11, Nelle 11, Doliguez 11, Cariño 3, Soberano 3, Bahio 0, Abuda 0, Visser 0.

QS: 26-24, 44-38, 69-59, 81-79

Comments are closed.