TULUYAN nang nalantad ang katotohanan kaugnay sa mga alegasyong iniugnay kay Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson nang mismong si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na kilalang naging kritiko niya sa pulitika, ang umamin na napaniwala siya sa mga pahayag ni ‘Ador Mawanay.’
Inamin ni Arroyo sa inilabas niyang aklat hinggil sa sarili niyang buhay—na pinamagatang ‘Deus Ex Machina’—na nahulog siya sa mga akusasyon ni dating Senate whistleblower Antonio Luis Marquez alyas Angelo ‘Ador’ Mawanay laban kay Lacson, tulad ng mga umano’y foreign bank account nito.
Binalikan ni Arroyo ang yugto ng kanyang pag-akyat sa pinakamataas na posisyon sa pamahalaan na tila may panghihinayang sa pagkasira ng ‘political reconciliation’ niya kay Lacson dahil mas pinili niyang maniwala sa mga kasinungalingan ni Manaway na ibinigay sa kanyang top intelligence officer na si Brigadier General Victor Corpus.
“That EDSA weekend, I confirmed to media that I might retain Ping Lacson as Philippine National Police (PNP) chief, but civil society was appalled at the thought. I offered an ambassadorship to Lacson but he would have none of it. During the 2001 elections, Lacson won the 10th out of 12 Senate seats, and we discussed a political reconciliation,” pagsisiwalat ni Arroyo sa ika-121 pahina ng kanyang memoir.
“But our talks collapsed due to the incident involving whistleblower ‘Ador Mawanay’—later revealed as Antonio Luis Marquez—who fed AFP intelligence chief Victor Navarro Corpus information on foreign bank accounts allegedly owned by Ping Lacson. The information that was made public could not be substantiated. I was told that years later, Corpus apologized for the incident,” dagdag niya.
Sinisi ni Arroyo ang mali niyang desisyon na nagresulta sa pag-uusig kay Lacson sa magulong mundo ng pulitika—bagay na matagal nang isiniwalat sa Partido Reporma chairman ng dating kaalyado ng dating pangulo. Talagang bahagi umano ng plano laban sa kanya dahil napagtanto na isa siyang banta sa kanila.
“During those toxic times of intrigue, allegations in affidavits and counter-allegations in counter-affidavits, dirty tricks, cellphone monitoring and spying and whatnot, the principal players on both sides of the political war, whether administration or opposition, often had in their possession raw or outright fake information, and as a result truth often fell by the wayside,” paliwanag ni Arroyo.
“I can only say that there was no deliberate attempt to use Mawanay to spread fake information about Lacson. If Victor Corpus felt compelled to apologize to Lacson, it may diminish Vic’s reputation as an intelligence chief, but it enhances the luster of his reputation for being a man of integrity, an officer and a gentleman. Sadly, the result of the whole affair is that Ping Lacson became an enemy instead of an ally,” ayon pa sa dating pangulo.
Matatandaan na inilantad ni Lacson ang mga corruption scandal na gumimbal sa administrasyon ni Arroyo, kabilang na ang P105-milyong chopper scam na kinasasangkutan ng asawa niya na si dating First Gentleman Mike Arroyo; ang P728-milyong fertilizer fund scam; gayundin ang maanomalyang $329-million NBN-ZTE deal.
Ang mga serye ng imbestigasyon na isinagawa sa Senado at pinangunahan ni Lacson ay bahagi ng kanyang pangako sa taumbayan na pananagutin niya ang mga makakapangyarihang indibidwal at kanilang kasabwat sa kanilang mga krimen sa bayan, lalo na ang korupsiyon.
Inaresto si Arroyo dahil sa mga kaso ng plunder at election fraud noong Nobyembre 2011 sa ilalim ng sumunod na administrasyon ng namayapang si President Benigno S. Aquino III. Apat na taon siyang nakulong sa ospital hanggang sa mapawalang-sala ng Korte Suprema noong July 2016.
Dahil dito, muli na namang napatunayan ang naging pahayag ni Lacson sa isa mga katatapos lang na presidential interview hinggil sa pananaig ng katotohanan, gaano man ito katagal. Aniya, “Truth shall always prevail; we just don’t know when.”
Sa pangalawang pagtakbo niya bilang pangulo ngayong Halalan 2022, tangan ni Lacson ang mga mensahe na “Aayusin ang Gobyerno, Aayusin ang Buhay ng mga Pilipino” at “Uubusin ang Magnanakaw.”