ARSON POSIBLENG SANHI NG SUNOG SA LMB

Secretary Roy Cimatu

IPINASISIYASAT ni Environment Secretary Roy Cimatu ang posibilidad na arson ang maaaring  sanhi ng sunog sa gusali ng  Land Management Bureau (LMB) sa Binondo, Manila noong Lunes.

Gayunman, umaasa ang DENR chief na magnegatibo ang imbestigasyon.

Aniya, malaking krimen ang arson o sadyang panununog, at malaki ang epekto nito sa mga Pilipino na tumataya ng malaking halaga sa lupa.

Ang LMB ay bahagi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ani Cimatu, nakikipagtulungan ang mga opisyal ng DENR sa mga imbestigador ng National Bureau of Investigation at Manila Fire District upang agad matukoy ang sanhi ng sunog na nagsimula sa mataas na palapag ng LMB.

Ang sunog na tumagal ng 22 oras ay tumupok sa gusali ng LMB at iba pang katabing mga gusali at establisimiyento, kabilang ang National Archives Office.

Nagtayo na ng pansamantalang HelpDesk ang DENR sa main building sa Visayas Ave., QC para sa LMB upang matugunan ang mga tanong ng publiko.

Naayos na ng LMB ang back-up files ng mga titulo ng lupa na na-digitize ng mga regional office ng DENR.

Ipina-digitize rin nila ang mga titulo ng lupa sa kanilang pangangalaga gamit ang mga modernong teknolohiya na natupok din ng apoy.

Noong 2016, inilunsad ng Land Administration Management System ang computerized information system upang pagsamahin ang lahat ng data at mga talaan ng lupa sa bansa upang mapadali ang proseso ng pagpapatitulo ng lupa.  NENET L. VILLAFANIA

 

Comments are closed.