(ni CYRILL QUILO)
KUNG sa ibang bansa ay kinatatakutan ang buwan ng Agosto dahil tinagurian itong “ghost month” dito sa atin ay isang pagkakataon ito upang maipakita ang kakaibang konsepto ng mga kababayan nating nahihilig sa iba’t ibang sining. Kakaibang talento pagdating sa art na talaga namang maipagmamalaki hindi lamang dito sa Filipinas kundi maging sa ibang bansa.
Konsepto ng pagmamahal sa ating lahi. Mga espesyal na talento na nais ipakita at makilala sa buong mundo. Isang mall sa Laguna ang nagnanais na ipamalas ang mga gawang Pinoy. Ipinagmamalaki ang mga gawang Lagueño. Mga kakaibang obra na talaga namang nakabibighani. Kanya-kanyang diskarte. Kanya-kanyang style. May mga gawa sa bubog, pagkain o prutas at sa recycled materials tulad ng papel at kahoy.
Iyan ang naisip ng PR manager ng Shoemart ng San Pablo City na si Ms. Niña Wong. Tampok ang iba’t ibang uri ng artwork sa kanilang lugar.
Maging mga banyagang Haponesa ay nakilahok sa exhibit na ito. At upang maipamalas din ang pagkamalikhain nating mga Pinoy, ang bawat likha ay may kanya-kanyang kuwento. Kuwento na nais ipabatid ng taong lumikha nito sa mga makakikita.
Isa rito ang pambihirang art na ginawa ng isang fine art artist na si Hannah Faith Frago. Katatapos lang niya ng kolehiyo nitong taon sa University of Sto. Tomas. Ang kanyang artwork ay nag-champion sa on-the-spot coco contest na ginanap sa SM San Pablo City.
Pambihira siya kasi ang kanyang ginagamit ay isang plato na nilagyan ng drawing na ang gamit ay prutas. Halimbawa rito ang sumikat na kon-trabidang si Daniella a.k.a Dimples Romana. Binihisan ng prutas na rambutan ang kanyang damit. Kakaiba at bago sa paningin.
Mayroon din siyang ginawang drawing ni Catriona Gray na ang damit ay prutas na bignay.
Kakaibang obra.
Kunsabagay, sa rami ng mga naiisip ng artist sa panahon ngayon, mabibighani ka talaga at mapapahanga sa kanilang nabubuong obra. At kailangan din namang mag-level up ang isang obra nang mapansin ng kahit na sino, lalong-lalo na ng millennials. Kumbaga, mahalagang makasunod sa trend ng kabataan nang makuha ang kanilang atensiyon.
Disenyong pagkain ang ginagawa ni Hannah Faith Frago dahil sa kanyang adbokasiyang mahimok ang mga tao na kumain ng masusustansiya.
Ginagawa rin niya ito upang maipakita ang ibang local fruit na bihira na lang makikita sa panahon ngayon kagaya na nga lang ng bignay at higit sa lahat, ang ma-promote ang biodiversity gamit ang art.
Ilang beses na rin siyang itinampok sa iba’t ibang programa sa telebisyon. Dahil sa adbokasiya nilang mag-anak, nais nilang ipamalas ang pag-mamahal sa kapaligiran, kalikasan at sa pagkain.
Bukod kay Hannah, marami pa ang lumahok sa naturang kompetisyon. Kagaya na lang ni Ava Jamae Bawal na ang ipininta ay anime. Talaga na-mang may pagka-millennials ang dating. Makasusunod at makasasabay sa makabagong uri ng pagpipinta gamit ang iba’t ibang medium.
“Halos lahat po kasi ng artwork ay magkakatulad at challenge po sa isang artist ang hanapin ang sariling art style at bagong medium. At iyon po ang maganda sa pagiging artist, ang magpursige na makalikha ng sariling obra.
Higit sa obra ng ibang mahuhusay na artist,” kuwento pa ni Ava.
Iba ibang category ang kanyang nilahukan gamit ang iba’t iba ring medium. Bagaman hindi pa siya ganoon kabihasa sa pagpipinta, nais niya ring ipamalas sa lahat na maipakita ang kanyang mga gawa.
Ayaw niyang sayangin ang pagkakataon kaya’t sumali siya sa exhibit na ginanap sa SM San Pablo City. Nagismula ang exhibit nitong Agosto 19 at magtatapos sa Setyembre 1.
Comments are closed.