NAKATUTUWANG pagmasdan si ART LOPEZ sa kanyang bagong kinahuhumalingang pagtatanim ng DRAGON FRUIT sa kanyang malaking manukan sa Patag, Silay City sa Negros Occidental.
Masaya niyang ibinalita sa akin na ang dragon fruit ay isa sa mga prutas na napakalaki ng potensiyal at magandang pagkakitaan. Nag-umpisa ang kanyang pagkahilig sa dragon fruit nang makita niya sa Facebook na maganda pa lang itanim ito at madaling alagaan bukod sa napakaganda ng kita rito. Ang dragon fruit, sabi sa atin ni Art, ay isang uri ng CACTUS na mabubuhay kahit na sa lugar na matindi ang init at hindi maselan kahit na tagtuyot dahil nga ito ay isang uri ng cactus.
Sa ngayon ay pinagsama ni Art ang dragon fruit at manukan sa kanyang cord area at napakaganda ng naging resulta dahil sa ganda ng kita sa manok panabong at sa prutas na nito. Sa ngayon ay umani na si Art sa mga tanim niyang dragon fruit at ayon sa kanya, ito ay nagkakahalaga ng humigit kumulang sa P250 kada kilo. Sa unang ani ay nakita ni Art na kung palalawakin pa niya ang lugar na pagtatamnan ng kanyang dragon fruit ay sa loob lamang ng maikling panahon ay tiyak na bawi na ang kanyang puhunan o return of investment sa negosyong ito.
Ang dragon fruit pala ay maraming dalang benepisyo sa ating kalusugan at maraming karatig-bansa ang pumasok na sa pag-tanim nito tulad ng Thailand, Malaysia, Indonesia, Taiwan at marami pang iba sa Asia. Ang mga bansang ito ay nauna na sa Filipinas at tayo ay ngayon pa lamang nag-uumpisa sa pagpapalaganap nito. Makikitang marami na ring mga pataniman ng dragon fruit sa Piddig, Ilocos Norte, sa Cavite at marami pang mga probinsiya sa ating bansa na nakita ang napakagandang potensiyal ng prutas na ito.
Mayroon na ring mga seminar at training tungkol sa pagtatanim ng dragon fruit at natuwa ako kay Art nang sabihin niyang siya ay isang masugid na mag-aaral at nagsasaliksik ng tungkol sa halamang ito. Sa kanyang pag-aaral at pagdalo sa seminar tungkol sa dragon fruit ay nakilala niya si Capt. BOY MOLABOLA, isang kapitan ng barko na mahilig ding magpalahi ng manok na katulad ni Art ay nahumaling na rin sa pagtatanim ng dragon fruit sa loob ng kanyang manukan sa Leyte. Mapahalaman o manong panabong, ganyan ang samahan ng mga sabungero, may instant bonding sa anumang gawain na kanilang tatahakin.
Ayon kay Art, ang pagtatanim ng dragon fruit sa pagitan ng mga TEEPEE o cord area ay magsisilbi ring lilim sa mga manok sa oras na tirik at matindi ang init ng araw, bukod pa riyan ang dumi ng manok ay nagsisilbing organic fertilizer na nagpapaganda ng kanilang paglago, matamis at magandang bunga. Isa na namang panibagong pagkakataon sa mga gustong kumita at magamit ang kanilang mga lupa ng mas maganda ang magiging pakinabang.
Sabi nga ni Art Lopez, “Dati mga manok lamang ang aking pinagkakakitaan. Ngayon nang matutuhan kong magtanim ng drag-on fruit, napakalaki ng aking naging pakinabang dahil lalong gumanda ang kita ng aking lupa sa pamamagitan ng pagbenta ng manok panabong at dragon fruit. Inaaya ko ang lahat ng breeders na subukan po ninyong magtanim ng dragon fruit sa pagitan ng mga TEEPEES o sa palibot ng inyong lupang sinasakupan at magugulat po kayo sa maibibigay po nitong dagdag na kita sa loob lamang ng isang taon.”
Dagdag pa ni Art, ang dragon fruit ay malaki ang demand sa America at ito po ay mabibili ng $5 to $7 kada isang piraso. Malamang dahil sa ito ay bago pa lamang sa kamalayan ng ating mga kababayan ay magiging trend ito at maraming magtatanim dahil na rin sa pakinabang at sustansiyang dulot ng dragon fruit.
Sa ngayon, ang inyong lingkod ay magtatanim na rin ng dragon fruit sa atin pong manukan sa Sitio Lunao, Bago City, Negros Occidental at malamang ay mahikayat ko rin si Doc Ayong Lorenzo na magtanim na rin sa kanyang mga lupa sa ESTANCIA DE LORENZO, San Mateo, Rizal at sa THE FARMHOUSE sa Capaz, Tarlac na magsisilbing isang attraction sa mga lokal na turista at mga bumibisita rito.
Malaki ang opportunity pagdating sa mga bagay na ito. Sino ba ang mag-aakala na ang isang cactus ay magbubunga at magiging kapaki-pakinabang sa ating lahat, pakinabang sa dala nitong sustansiya at magandang pagkakitaan at hanapbuhay sa karamihan pag-dating ng panahon. Sana ay may mga katulad nina Art Lopez na isang sabungero at Capt. Boy Molabola na isang seaman at sabungero rin na magmamalasakit na tayo ay tulungan at maturuan ng tamang pamamaraan sa pagtatanim ng dragon fruit.
Sa mga interesadong pumasok sa pagtatanim ng dragon fruit ay siguruhing may sapat na kaalaman at puhunan upang mag-tagumpay sa larangang ito. Sumangguni sa mga eksperto at dumalo sa mga seminar at huwag mahihiyang magtanong kung mayroong hindi naiintindihan.
Para sa impormasyon tungkol sa tamang PAG-AALAGA NG MANOK PANABONG, maging sa pagtatanim ng DRAGON FRUIT, maaari pong tawagan si ART LOPEZ sa kanyang cellphone 09173043877 o bumisita sa kanyang FB account Arturo Lopez (Art Lopez).
Comments are closed.