ARTIFICIAL REEF ITINANIM NG U.S AT AFP DIVERS

ARTIFICIAL REEF

INAASAHANG mil­yon-milyong pisong ha­laga ang pakinabang at malaking tulong din sa ecosystem ang inilagay na artificial habitat reef sa Barangay Hukay, Calatagan Batangas.  Magkatuwang ang US at Armed Forces of the Philippines military divers, kasama ang ilang  local government workers at non-government organizations sa paglalagay ng mga artificial  reef sa karagatang sakop ng Calatagan.

Ayon sa US Embassy sa Maynila,  anim na US military divers kasama ang limang support crew members ang kasamang sumisid  para maisakatuparan ang biodiversity at ecomanagement project na pakikinabangan hindi lamang ng mga mangingisda.

Ang proyekto ay tinatawag na ‘Operation Pamamalakaya’ kung saan 30 jackstone-type artificial habitat reefs na gawa sa simpleng construction materials ang inilagay sa dagat.

Magsisilbi ang reefs bilang shelter, food sources at breeding areas para sa wildlife.

Paliwanag ng US embassy, sa mga susunod na taon ay tuluyan nang tutubuan at mababalot ng coral ang mga istruktura na magpapayabong sa marine life at magpapaganda sa hanapbuhay ng mga mangingisda.

Ayon kay  Lieutenant Colonel Engelberto Nioda Jr. ng Philippine Air Force, ang artificial reef planting ay isang ‘lifesaving human endeavor’.

Tiniyak ng US embassy na patuloy bilang pinakamatagal na kaal­yado ng Filipinas ang US, patuloy ang kanilang suporta sa mga komunidad sa pamamagitan ng marine conservation projects.  VERLIN RUIZ