ARTISTS AT SCIENTISTS AYUDAHAN

Senadora Imee Marcos-2

NAIS ni Senadora Imee Marcos na bigyan ng ayuda ang mga artista at producer  sa creative work na may malaking maiaambag sa muling paglago ng ekonomiya ng bansa.

“Dapat tignan ng ating mga economic manager ang creative work bilang isang epektibo at kumikitang industriya, hindi lang basta pang-agaw atensyon o pang-entertainment,” ani Marcos.

Aniya, mahalagang suportahan ng gobyerno ang husay at galing ng mga Pilipino na makatutulong sa ekonomiya tulad ng ating mga animators na kinikilala ng Disney at maging ang ating mga malikhaing chef na nagdala sa Pilipinas sa pagiging culinary destination sa Asya.

“Mismong Forbes na ang nagsabi na posibleng pumatok ang Pilipinas at dayuhin ng mga turista sakaling humupa na ang takot sa Covid-19. Dapat maiayos na natin ang industriya ng creative work para makatulong sa ating turismo at posibleng makapag-export pa sila,” ani Marcos.

Isinusulong ni Marcos na bumuo ang gobyerno ng Creative Industries Development Council sa pamamagitan ng Senate Bill 411 na tutulong, poprotekta at magpapalakas sa kita ng mga orihinal na likhang pinoy.

Layon din ng panukalang batas na masiguro ang karapatan sa intellectual property hindi lang ng mga artists kundi maging ng mga scientist, inventor at iba pang mga malikhaing mamamayan.

“May mga kababa­yan tayo na naka-imbento ng gas-free na sasakyan at maging purifier para sa maruming tubig kaso hanggang balita lang sa telebisyon pero walang tulong na naiabot,” puna ni Marcos.

Batay sa panukalang batas ni Marcos, kabilang sa Creative Industries ang Advertising at Marketing; Animation at Game Development; architecture at interior design; broadcast arts tulad ng pelikula, telebisyon, radyo at potograpiya; information technology, software at computer services; publishing; museums, galle­ries at libraries; heritage crafts at mga aktibidad tulad ng gastronomy; music at performing arts; visual arts; product, graphic at fashion design.

Malapit sa puso ni Marcos ang mga artist at ang nasa creative work dahil  naging director general siya ng Experimental Cinema of the Philippines at producer ng mga lokal na pelikula tulad ng “Himala” na kinilala ng CNN at Asia-Pacific Screen Awards bilang Asia-Pacific Film of All Time noong 2008, kalinya ng “Seven Samurai” ni Akira Kurosawa at “Crouching Tiger, Hidden Dragon” ni Ang Lee.

“Kabilang sa pinakamasisipag na mga mang­gagawa ang mga nasa creative work kaya dapat lang na masuportahan sila ng gobyerno. Madalas pa ay di-alintana ang sobra-sobrang oras sa trabaho dahil sa kanilang passion at inspirasyon,” paliwanag ni Marcos. VICKY CERVALES

Comments are closed.