MAKAAASA ang mga biyahero ng mas mataas na pasahe sa eroplano makaraang taasan ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang fuel surcharge level sa susunod na buwan.
Sa isang advisory nitong Miyerkoles, inanunsiyo ng CAB na ang passenger at cargo fuel surcharge para sa domestic at international flights ay itinaas sa Level 7 para sa March 1-31, 2023.
Ayon kay CAB Executive Director Carmelo Arcilla, sa monitoring ng ahensiya mula January 10 hanggang February 9, 2023, ang presyo ng jet fuel ay tumaas sa $113.72 per barrel na katumbas ng effective fuel surcharge level para sa susunod na buwan.
Ang fuel surcharge level para sa March 2023 ay mas mataas ng isang antas kumpara sa kasalukuyang level.
Sa ilalim ng Level 7, ang fuel surcharge para sa domestic passenger flights ay nasa P219 hanggang P739 depende sa layo.
Samantala, sa international passenger flights na nagmumula sa Pilipinas, ang fuel surcharge ay naglalaro sa P722.71 hanggang P5,373.69.
Sa kasalukuyang Level 6, ang mga pasahero ay sinisingil ng P185 hanggang P665 fuel surcharge para sa domestic flights at P610.37 hanggang P4,538.40 para sa international flights, depende sa flight distance.