ASAWA NG PANG-4 OMICRON CASE SA PH, POSITIVE SA COVID-19

INIHAYAG  ng Department of Health (DOH) na nagpositibo sa COVID-19 ang asawa ng pang-apat na nagka-Omicron variant case.

Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nakasailalim na ngayon ang naturang mga pasyente at lahat ng mga close contact nito ay naka-isolate na rin.

Isang 38-anyos na babae ang pang-apat na kaso ng Omicron variant mula sa Amerika .

Lulan ng Philippine Airlines Flight PR127 na dumating sa Ninoy Aquino International Airport noong Disyembre 10.

Sa ngayon, patuloy nilang hinahanap ang mga close contact ng mga nasabing pasyente.

Samantala, nasa 421 ang panibagong napaulat na kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.

Sa huling datos ng DOH araw ng Martes (Disyembre 28), pumalo na sa 2,839,111 ang confirmed cases ng nakakahawang sakit sa bansa.

Sa nasabing bilang, 9,750 o 0.3 porsiyento ang aktibong kaso.

Nasa dalawa naman ang napaulat na nasawi.

Dahil dito, umakyat na sa 51,213 o 1.80 porsiyento ang COVID-19 related deaths sa bansa.

Ayon pa sa DOH, 248 naman ang gumaling pa sa COVID-19.

Dahil dito, umakyat na sa 2,778,148 o 97.9 porsiyento ang total recoveries ng COVID-19 sa Pilipinas.