Asawa ng seaman bilang ina

Saang anggulo mo man daanin, hindi madaling maging asawa ng seaman at lalo namang hindi rin madaling maging ina ng limang anak. Naranasan ito ni Mrs. Corazon Barcelon Panaligan, isang retiradong titser, may limang anak, at asawa ng seaman.

Nagdiwang siya ng ika-75 birthday noong March 26, at laking pasasalamat niyang umabot siya sa edad na ito na kasama pa rin niya ang kanyang asawang si Sofio Panaligan – o Alfie sa mga kakilala – na sila pa rin sa kabila ng mga problemang kanilang kinaharap sa napakahabang panahon ng kanilang pagsasama.

Isa sa pinakamahirap na sitwasyon noong bago pa sila nagsasama ay iyong wala siyang kasama sa mga importanteng okasyong kailangang daluhan. Yung may problema sa mga anak at kailangan mo ng kausap o katulong sa pagdedesisyon, pero hindi mo siya makontak dahil nasa gitna siya ng dagat. Noong araw kasi, hindi pa uso ang email at internet. Radio call lang at snail mail ang kanilang komunikasyon, kaya buwan ang inaabot bago magkabalitaan.

Sa pagbaba naman sa barko, pinakamatagal na ang 30 days na bakasyon bawat walong buwang pagsakay.

Nakakalungkot, pero iyon ang trabaho ng kanyang asawa at wala siyang magagawa.

Nang lumalaki na ang mga bata, si Ate Cora ang tumayong ama at ina sa kanila. Minsan, nakakapagod din dahil tao lang naman siya. Gusto sana niya ng karamay, pero sa barko, swertihan lang ang signal, at kung meron man minsan lang. At kung makahagip man ng signal, putul-putol pa kaya hindi kayo magkaintindihan. Kaya sa halip na iiyak siya, nagpapakatatag na lamang siya dahil wala naman siyang aasahang iba.

At hinding hindi niya iniisip na may iba na si mister dahil dagdag-problema lang yon. “Mabait naman ang Kuya Alfie mo, kayak o nga siya pinakasalan,” ani Ate Cora. “Pero alam ko namang tao din siya na natutukso. Ang mahalaga, wala akong nalaman. Kung may ginawa siyang milagro pagtalikod ko, kunsensya na niya yon,” dagdag pa niya.

May mga gabing malamig ngunit tanging unan ang kanyang kayakap, nasanay na siya – dapat masanay dahil asawa siya ng Seaman. Sa lahat ng pagkakataong solo lang niyang hinaharap ang lahat dahil hindi nga makontak si hubby na nasa gitna ng dagat, natuto si Ate Cora na bago niya sabihin sa asawa ang problema ay naresolba na. Handa siyang mag-isang palakihin ang mga anak dahil buwan o taon ang bibilangin bago makauwi si mister. Minsan extended pa ito, dahil wala pa ito kapalitan. At kadalasan, kailangan ang mabilisang pagpapasiya.

Finally, nagkaroon din ngh social media at nagging mas madali na ang pagpapalitan ng balita para sa kanila, ngunit malalaki na ang kanilang mga anak at kaya na nilang tumayo sa sarili nilang mga paa. Andyan sya, handa pa ring maghintay para sa kanya, at para sa kanilang mga anak. Kailangang intindihin ang sitwasyon at harapin lahat ng mga pagsubok — na nag-iisa.

Ngayong pareho na silang retirado, kailangan ding intindihin mo siya lalo kapag sinabi niyang pagod siya, at dapat hayaan mo na lang muna siyang magpahinga. Kung tutuusin, ngayon pa lamang sila nasasanay na maging magkasama, dahil sa buong panahon ng kanilang pagiging mag-asawa ay nabuhay silang magkalayo. Ang konsolasyon lamang niya, sa kabila ng lahat ng hirap na kanyang dinanas, ay nanatiling buo ang kanyang pamilya at ang lahat ng kanyang mga anak ay nagging maayos ang pamumuhay.

Salamat kay nanay – ang matatag na asawa ng seaman. Ang babaing napakasayang sumusundo sa airport kapag umuwi ang kanyang asawa at sobrang lungkot naman kapag muling iiwang nag-iisa para sumakay ulit sa barko kasi kailangan kumita ng pera. Ang babaing nagpapakapuyat sa pagdarasal para maging ligtas ang asawang seaman lalo na kung may bagyo.

May kasabihang kung gaano kalawak ang dagat ay ganun din dapat kalawak ang pang-unawa ng asawa ng seaman.

Totoo, isang matatag at matapang na babae lamang ang maaring magmahal sa isang seaman. Kayong may tatay na seaman, ipagbunyi ninyo ang inyong inang asawa ng seaman. Happy mother’s day po. KNM