(Asawa’t anak ng Pinoy) FOREIGNERS PUWEDENG PUMASOK SA ‘PINAS

PAPAYAGAN ng makapasok ng bansa ang mga dayuhang magulang ng isang Filipino citizen na may valid na visa at kasabay nila sa kanilang pagbiyahe ang mga supling, ayon sa Bureau of Immigration (BI).

Ito ang sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente kasunod ng bagong resolusyon na inisyu ng Inter-Agency Task Force for the Ma­nagement of Emer­ging Infectious Diseases (IATF-MEID).

Matatandaan na tanging ang dayuhang asawa at mga anak na Filipino na kasama nila sa kanilang biyahe at may valid visa ang exempted sa travel ban na ipinatutupad ng gob­yerno sa lahat ng dayuhan mula Marso 22 hanggang Abril 20.

Gayunpaman, ipinaliwanag ni Morente na maari nang pumasok sa bansa ang dayuhang asawa, anak at magulang ng isang Filipino na kasama nito sa biyahe basta may valid na visa.

“If they are traveling alone, they will not be allowed entry even if they hold valid visas as the rules provide that they must be traveling with their Philippine spouse or children,” ayon sa BI Chief.

Dagdag din ni Morente na maging ang mga dayuhang Marino na darating sa mga pantalan ay maari rin pumasok sa bansa basta may seaman’s visa o crew list visa.

“We welcome the exemption of foreign seafarers from the travel ban as the Philippines is one of the countries in Asia that has opened a ‘green lane’ for these sailors,” ayon kay Morente.

Ayon naman kay BI Bay Service Section chief Alnazib Decampong,alinsunod ito sa green lane project ng pamahalaan upang i-promote ang bansa bilang isang “hub for crew change of international maritime vessels and facilitate the free movement of sailors in the region during the pandemic.”

Ang mga lugar na tinatawag na crew change hubs sa Manila ay matatagpuan sa mga port ng Manila, Bataan, Batangas, Subic, Cebu, at Davao. PAUL ROLDAN/FROILAN MORALLOS

One thought on “(Asawa’t anak ng Pinoy) FOREIGNERS PUWEDENG PUMASOK SA ‘PINAS”

Comments are closed.