ASEAN CUP FINALS PAKAY NG PH BOOTERS

Laro ngayon:
(Rajamangala Stadium)
9 p.m. – Thailand vs Philippines

UMAASA ang Pilipinas na makaukit ng kasaysayan sa pagtatangka nitong masikwat ang breakthrough Finals berth sa ASEAN Mitsubishi Electric Cup second leg semifinals laban sa Thailand ngayong gabi sa Bangkok.

Kinamada ni Kike Linares ng Philippine men’s football team ang clutch header upang gulantangin ang powerhouse Thailand, 2-1, sa first leg ng semifinals ng torneo sa Rizal Memorial Stadium sa Manila noong Biyernes ng gabi.

Umiskor ang Fil-Spaniard defender ng crucial goal sa stoppage time na ipinagbunyi ng mahigit 7,000 fans, na nagbigay sa Nationals ng kanilang kauna-unahang panalo kontra Thailand magmula sa 1972 Jakarta Anniversary Tournament.

Sa kabila ng panalo, ang mga Pinoy ay nanatiling underdogs dahil may kakayahan ang War Elephants na makabawi sa return match sa Rajamangala Stadium sa alas-9 ng gabi (8 p.m. Bangkok time).

“So proud of the team, but I’m not so happy for myself because of my personal situation,” sabi ni Linares.

“It was my first goal for the national team, so I’m happy. Let’s see what happens in the second game.”

Ang magandang balita para sa Pilipinas ay ang pagbabalik ni defender Amani Aguinaldo, na pinagsilbihan ang kanyang one-match suspension laban sa Thailand.

“We know Amani is an important player for us,” ani Linares. “He’s the captain. He has (a lot of) experience here.”

Ang hindi paglalaro ni Aguinaldo sa home ay naramdaman dahil nagawang tumabla ng War Elephants mula sa counter attack, 24 minuto makaraang umiskor si Sandro Reyes ng goal para sa mga Pinoy sa 21st minute.

Mataas ang kumpiyansa ng Pilipinas makaraang wakasan ang 52-year winless spell kontra Thailand, na gold standard sa Southeast Asian football at ang pinakamatagumpay na koponan sa pinakamalaking football showpiece ng rehiyon na may pitong titulo.

Sa pagbasura sa away goal rule na inaasahang sasamantalahin ng mga Pinoy, ang panalo o draw laban sa War Elephants ay magbibigay sa kanila ng puwesto sa two-legged Finals sa January 2 at 5.

Kapag ang laban ay nagtabla sa pagtatapos ng 90 minutes, ang dalawang koponan ay maglalaro sa extra time. Kapag tabla pa rin ang laban matapos ang 120 minutes, ang dalawang panig ay sasalang sa penalties upang desisyunan ang finalist.