Laro ngayon:
(Rizal Memorial Stadium)
9 p.m. — Philippines
vs Thailand
MAGIGING host ang Pilipinas sa holders Thailand sa pagtatangka nitong masikwat ang breakthrough Finals stint sa first leg ng ASEAN Mitsubishi Electric Cup semifinals ngayong gabi sa Rizal Memorial Stadium.
Target ng mga Pinoy na lumikha ng kasaysayan sa pagsampa sa pinakamalaking entablado ng kumpetisyon matapos ang apat na semis appearances, subalit upang magawa ito, kailangan nilang talunin ang War Elephants sa unang pagkakataon.
Ang Thailand ay nagwagi sa pinakahuli nilang engkuwentro ng Pilipinas, 3-1, sa King’s Cup sa Songkhla noong October.
Nakatakda ang laro sa alas-9 ng gabi.
“We know we have quality, we’re still undefeated,” wika ni forward Bjorn Kristensen makaraang umiskor ng match-winning penalty laban sa Indonesia na nagbigay sa kanila ng puwesto sa Final Four. “We didn’t have the luck with us in the first three (group) games.
“We played good against Vietnam, the group leader, so we know we have quality. It’s just we have to get the potential out,” dagdag pa niya.
Ang mga Pinoy ay maglalaro na wala si suspended defender Amani Aguinaldo kaya aasa na lamang si coach Albert Capellas kina Kike Linares at Christian Rontini.
Ang Pilipinas ay huling nagwagi kontra Thailand noong June 12, 1972, 1-0, sa larong ginanap sa Jakarta, Indonesia. Ang mga Pinoy ay hindi pa nananalo kontra War Elephants sa ASEAN Championship.
Nakopo ng Thailand ang golden trophy sa pitong pagkakataon — ang pinakamarami ng isang bansa — at tangan ang perfect record mula sa group phase hanggang sa two-legged clash sa Pilipinas.
Nagwagi ang War Elephants kontra Singapore, Malaysia, Cambodia at Timor Leste upang tumapos sa ibabaw ng Group A na may maximum points na 18.
“Thailand is a good team and we met them before. We know they have some good players, good system, good coach, everything. So it’s going to be fun,” ani Kristensen.