ASEAN PARA GAMES: PH SWIMMERS, LIFTERS, TRACKSTERS SASALANG NA

SURAKARTA, Indonesia – Mapapalaban na ang mga pambato ng Pilipinas sa 11th ASEAN Para Games kung saan 32 gold medals ang nakataya sa athletics, swimming, at powerlifting na idaraos sa magkakahiwalay na lugar dito at sa kalapit na lungsod ng Semarang.

Pinangungunahan nina Tokyo Paralympians Jerrold Mangliwan at Jeanette Aceveda ang hamon sa track and field sa Manahan Stadium kung saan 20 golds ang pag-aagawan sa unang major international stint para sa karamihan ng mga atleta nito magmula sa 2017 Malaysia edition ng meet.

Sasabak sina wheelchair racers Mangliwan, nagwagi ng dalawang golds sa 2015 Singapore ASEAN Para Games, at teammate Rodrigo Podiotan Jr. sa men’s 100-meter T52 race sa loob ng sprawling 20,000-seat arena. Si Aceveda, triple gold medalist sa 2013 Naypyidaw, Myanmar Games, na visually impaired, ay sasabak sa women’s discus throw F11-13 sa overseas stint na suportado ng Philippine Sports Commission.

Sinabi ni national para head coach Joel Deriada na kabilang sa rookies na aabangan sina Daniel Enderes Jr., silver medalist sa Asian Youth Para Games sa Manama, Bahrain noong December, at King James Reyes, na lalahok sa men’s 800-meter T20 at T46 events, ayon sa pagkakasunod.

Sisikapin ni wheelchair racer Arman Dino na mahigitan ang kanyang silver-medal finish sa Malaysian capital ng Kuala Lumpur, limang taon na ang nakalilipas, sa kanyang pagsabak sa men’s 100-meter run T47, kasama si Arvie John Arreglado.

Si Tokyo Paralympic veteran Ernie Gawilan ang top gold prospect sa men’s 400-meter freestyle S7 class sa Jatidiri Sports Complex pool sa Semarang, na matatagpuan sa 104.8 kilometers northwest ng Surakarta. Inaasahan ding kikinang si newcomer Angel Otom, isang Asian Youth Para Games bronze medalist, sa women’s 50-meter backstroke S7 event sa swimming competition kung saan 9 golds ang nakataya sa opening day.

Sisikapin ni flag-bearer at two-time Asian Para Games silver medalist Achelle Guion na makapag-ambag sa medal production ng bansa sa kanyang paglahok sa women’s 45-kilogram event ng powerlifting sa Solo Paragon Hotel. Magtatangka rin sa medalya sina Marydol Pamati-an at Denesia Esnara sa women’s 41-kg at 50-kg. categories, ayon sa pagkakasunod.

Sa iba pang aksiyon, sisimulan ng national men’s at women’s wheelchair squads ang kanilang kampanya sa five-a-side basketball tournament kapwa kontra Cambodia sa GOR Sritex Arena.