MATAPOS ang 30th Southeast Asian Games, mga atleta naman na may kapansanan ang magpapasiklaban sa ASEAN Para Games na lalarga sa susunod na buwan sa iba’t ibang venues, kasama ang New Clark City Sports Complex kung saan gagawin ang athletics at swimming.
Magbabakbakan ang mga atleta mula sa 11 bansa sa 16 sports sa isang linggong kompetisyon na pangangasiwaan ng Southeast Asian Games Paralympics at suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez.
Mahigit 200 atleta, sa pangunguna nina two-time Paralympics veteran at 2000 Sydney bronze medalist Adeline Dumapong at Brazil Paralympics table tennis bronze medalist Josephine Medina, Ernie Gawilan, Gary Bejino, Arthus Estaquio Bucay, at double gold winner Cindy Asuzano ang kakatawan sa host country.
Si Dumapong ang pinakabeterano sa delegasyon kung saan naglaro rin siya sa Asian Para Games sa Korea at Indonesia, bukod sa dalawang Paralympics at ASEAN Para Games.
Naglaro sina Gawilan at Bejino sa World Swimming Para Games Championships na ginawa sa London noong nakaraang Setyembre bago ang SEA Games.
Ayon kay Philippine Sports Association for the Differently Disabled president Michael Barredo, kabilang sa sports na lalaruin ang athletics, swimming, cycling, bowling, powerlifting, wheelchair basketball, at table tennis.
Inamin ni Barredo na mabigat ang magiging laban ng mga Pinoy subalit kumpiyansa ang dating PSC Commissioner na kaya ng mga ito na manalo.
“I have trust and confidence in our athletes. They had sufficient training and preparation,” wika ni Barredo. CLYDE MARIANO
Comments are closed.