MAGTITIPON-TIPON ang Sports Ministers mula sa 10 ASEAN member-countries at sa Japan sa Manila ngayong araw sa pag-arangkada ng 5th ASEAN Ministerial Meeting on Sports (AMMS-5) at iba pang Related Meetings na tatagal ng limang araw.
Ang event na pangungunahan ng ASEAN Secretariat on Education, Youth and Sports ay iho-host ng Philippine Sports Commission (PSC).
“This is another chance to connect with our neighbors and together strengthen the foothold of sports in the everyday lives of our people,” wika ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez, na magsisilbing chairman ng AMM5-S hanggang sa 2020.
Umaasa ang sports chief na maisusulong ang agenda ng bansa sa pagsasaprayoridad sa ‘sports for all’ sa mga miyembro ng ASEAN.
Pangungunahan nina His Excellency Sar Sokha, Cambodia; Mr. Phouvanh Vongsouthi, Lao PDR; Mr. Tan Wei Ming, Singapore; Ahmad Shapawi Bin Ismail, Malaysia; His Excellency Aminuddin Ihsan Pehn Dato HJ Abidin, Brunei-Darussalam; Mr. Mya Than Htike, Myanmar; Mr. Kumekawa Hirokazu, Japan; Ms. Le Thi Hoang Yen, Vietnam; at His Excellency Phiphat Ratchakitprakarn, Thailand ang kani-kanilang delegasyon sa mahalagang policy-setting event na ito.
Kabilang sa mga tatalakayin sa pagpupulong ang implementasyon ng regional projects at activities base sa ASEAN Work Plan on Sports for 2016-2020, ang ASEAN bid para sa FIFA World Cup, pagtatayo ng eSports SEA Foundation, at ang desisyon mula sa mga naunang AMMS at SOMS meetings. Pagtutuunan din ng pansin ang resulta ng initial assessments para sa ASEAN meetings, kasama ang Japan.
Magsisimula ang mga aktibidad at conversations sa SOMS-9 ngayong araw. Pangungunahan ni Ramirez ang proceedings sa Martes, Oktubre 8, kung saan idaraos sa unang pagkakataon ang ASEAN plus Japan Meeting on Women and Sports. Isasagawa naman sa hapon ang 2nd ASEAN Plus Japan SOMS.
Ang 2nd ASEAN Plus Japan Ministerial Meeting on Sports ay gaganapin sa Okt. 9.
Lalahok din ang mga delegado mula sa UNESCO, SEARADO, FIFA, UN Women, ASEAN Chess Federation, ASEAN Para Sports Federation, ASEAN Football Federation, at Right to Play Thailand Foundation.
Comments are closed.