ASF SA BULACAN KONTROLADO NA

BULACAN-MATAPOS ihayag ng lalawigan ng Aurora ang pagpapatupad ng pork ban mula sa Bulacan, Pampanga at Tarlac, tiniyak ng pamahalaang panlalawigan sa mga bulakenyo partikular sa mga nag-aalaga ng baboy na kontrolado na ang kaso ng African Swine Flu (ASF) sa lalawigan.

Una nang naglabas ng Executive Order no 35 ang Pamahalaang Panlalawigan ng Aurora na magpapatupad ng pansamantalang pagbabawal ng pagpasok ng mga buhay na baboy at produktong baboy sa lalawigan mula sa mga probinsya na may kaso ng ASF mula Agosto 30 hanggang Setyembre 30.

Ayon kay Bulacan Provincial Veterinary Dr. Voltaire G. Basinang, may naitalang kaso ng ASF sa bayan ng Santa Maria na naging dahilan upang magpatupad ang Aurora ng pork ban.

Gayunpaman, iginiit ng opisyal na hindi makaaapekto ang pork ban sa mga Bulakenyong hog raiser, dahil kontrolado na ito at maliit na porsiyento lamang ang dinadala sa Aurora at ang malaking bahagi nito dinadala sa Metro Manila.

Samantala, ipinag-utos na pamahalaang panlalawigan ang mahigpit na pagbabantay sa mga farm at backyard ng baboy na layon nitong suportahan ang hog raisers.

Bagaman wala pang tiyak na bakuna laban ASF, walang dapat ipag-alala ang mga bulakenyong hog raisers dahil tuloy-tuloy ang pagsasagawa ng cleaning at disinfection sa bawat lungsod at munisipalidad upang mahigpit na mabantayan ang pagkalat pa sakit.

Sa kasalukuyan, wala pang ibang kaso ng ASF ang naitatala sa Bulacan at habang ilang babuyan na rin ang muling nagbukas batay sa datos ng Provincial Veterinary Office. THONY ARCENAL