HINDI na African swine fever (ASF)-free ang lalawigan ng Palawan makaraang maitala ang outbreak ng sakit sa mga babuyan sa Cocoro Island, isang barangay sa bayan ng Magsaysay.
Ayon kay Dr. Darius Mangcucang, officer-in-charge ng Provincial Veterinary Office (PVO), ang Cocoro ay nakapagtala ng tinatayang 300 swine mortalities dahil sa ASF.
Aniya, sa anim na blood samples na kinolekta mula sa mga alagang baboy sa Cocoro na ipinadala sa Bureau of Animal Industry para suriin, lima ang infected ng ASF.
Sinabi ng provincial veterinarian na dahil lahat ng alagang baboy sa isla ay tinamaan na ng ASF, ang kanyang tanggapan ay mahigpit na nakikipag-ugnayan sa Magsaysay municipal authorities upang makontrol ang sakit sa mga lugar ng outbreak nang sa gayon ay hindi na ito kumalat sa iba pang bayan sa Palawan.
“The pigs might all be gone, there’s no need for culling anymore. What we’ll do instead is disinfection. We’ll place lime on the sites where the pigs were buried by the farmers and residents in order to contain the virus,” ayon kay Mangcucang.
Naglagay na rin ang PVO, sa pakikipagtulungan sa Philippine National Police (PNP) at local municipal authorities, ng checkpoints sa lahat ng entry areas sa Magsaysay bilang bahagi ng hakbang para mapigilan ang pagkalat ng virus.
Patuloy rin, aniya, silang magsasagawa ng monitoring, kukuha ng blood samples, at quarantine assessments.
Hinikayat din ng PVO ang mga residente na makipagtulungan at iwasan ang pagbili ng meat products online at ang pagpapakain sa mga baboy na posibleng kontaminado ng virus.
–(PNA)