ASF UMABOT NA SA VISAYAS DAHIL SA PROCESSED MEAT PRODUCTS

ASF

MAAARING sa mga processed meat product nagmula ang unang kaso ng African Swine Fever (ASF) sa Visayas.

Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na ito ang nakikita nilang dahilan kung bakit umabot na sa Visayas, partikular na sa Abuyog sa bayan ng Leyte, ang naturang sakit sa mga alagang baboy.

Ayon kay Dar, nitong nagdaang holiday season ay maraming mga residenteng nag-uwian ng probinsya mula sa Metro Manila na posibleng nagdala ng mga processed meat product gaya ng tocino, longganisa, o mga hindi lutong-luto na produkto ng karne.

Posible aniyang kontaminado ang naturang mga produkto na naipakain sa mga alagang baboy dahilan para magkasakit ang mga ito.

“‘Yung mga hindi lutong-luto. Tocino, longganisa, ‘yun ang nakikita po namin na source,” ani Dar.

Kaagad naman, aniya, silang nagkasa ng mga quarantine checkpoint makaraang makumpirma ang kaso ng ASF sa lugar.

“Ngayon may naisagawa na tayo na quarantine checkpoints para hindi na makalabas ito,” ani Dar.

Samantala, pinaigting din ang pakikipag-ugnayan ng DA sa mga lokal na pamahalaan upang ma-monitor ang lagay ng hog industry sa Visayas at maiwasan ang pagkalat pa ng ASF.  DWIZ 883

Comments are closed.