TAGUIG CITY – NADAKIP ng mga tauhan ng PNP National Capital Region Police Office, ang tinaguriang isa sa most Wanted Abu Sayyaf member na sangkot sa pag-kidnap ng 15 katao.
Ayon kay NCRPO Director Guillermo Eleazar nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Regional Special Operations Unit (RSOU), NCRPO at Regional Intelligence Division (RID), NCRPO kasama ang PNP-Intelligence Group (PNP-IG) ang suspek sa pagdukot sa mga tauhan ng Golden Harvest Plantation noong taong 2011.
Kinilala ni Eleazar ang nadakip na si Sen Asmad alyas “Abu Nas”, alyas “Suhud”, “Jul” a.k.a. Sudais Asmad y Sali, 25-anyos, Muslim brother ng Yakan tribe, mula Landang, Zamboanga, del Sur, kasalukuyang delivery boy, at nagtatago sa Baseco Compound, Block 9, Tondo, Manila.
Ayon kay Chief Insp. Myrna Diploma, nakasagap ang kanilang mga tauhan na nasa Elcano Street, Barangay 271, Binondo, Manila, ang suspek bandang 10:05 ng gabi ng Disyembre 20, 2018.
Agad na nagsagawa ng law enforcement operation ang mga tauhan ni Elezar bitbit ang Warrant of Arrest na inisyu ni Hon. Judge Jay Principe, Presiding Judge, RTC Branch 1, 9th Judicial Region, Isabela, Basilan na may petsang Enero 28, 2008 para sa kasong Kidnapping and Serious Illegal Detention na ang resulta sa pagkaka-aresto kay Asmad.
Lumabas sa pagsisiyasat na noong Hunyo 11, 2001, dinukot ng mga bandido ang 15 employees ng Golden Harvest Plantation sa Barangay Tairan, Lantawan, Basilan Province.
Isa sa kidnap victims ang positibong kumilala at gumawa ng kanyang salaysay hinggil sa partisipasyon ni Asmad sa kaso.
Si Asmad ay positibo ring kinilala na kasapi ng Abu Sayyaf Group sa ilalim ng Dawlah Islamiyah na nasa pamumuno ni Furuji Indama.
Tumatayo naman itong liaison and escort/guide ng mga Balik-Islam mula Luzon papuntang Basilan Province. VERLIN RUIZ
Comments are closed.