Ashes to ashes, dust to dust

SA kalendaryo ng Simbahang Kristiyano, ang Miyerkules ng Abo o Miyerkules-de-Senisa ay ang unang araw ng Kuwaresma at pumapatak na apatnapu’t-anim na araw bago ang Pasko ng Pagkabuhay.

Mahalaga ang Ash Wednesday dahil ito ang simula ng Kuwaresma, na magtatapos naman sa Easter o Linggo ng Pagkabuhay. Ang abo ay simbulo ng kamatayan at pagsisisi. Sa panahong ito, ipinakikita ng mga Kristiyano ang pagsisisi at pagdadalamhati dahil sa kanilang mga kasalanan, dahil naniniwala silang si Jesucristo ay namatay sa krus dahil sa nasabing mga kasalanan.

Hindi nabanggit ang Ash Wednesday sa Biblia. Gayunman, ito nga ang unang araw ng cuaresma, huling araw naman ng Carnaval (Mardi Gras o Fat Tuesday), na isang pagan festivity.

Ang Ash Wednesday at Biyernes santo (Good Friday) ay masasabing obligatory days of fasting and abstinence para sa mga Katoliko. Kapag sinabing fasting isang beses lamang kakain sa loob ng isang araw. Pwede ring kumain ng konti-konti, pero hindi busog. Hindi kumakain ng karne ang mga Catholics sa nasabing dalawang araw, at pwede rin namang sa buong panahon ng Lent o cuaresma.

Maaaring kinuha ang 40-days of Lent sa 40 days at 40 nights na nag-fasting si Jesus sa disyerto bilang preparasyon sa kanyang pangangaral. Habang nagpa-fasting, tinukso siya ng demonyo ngunit hindi nagtagumpay ang diablo.

Kung nagtataka kayo kung saan kinuha ang abong ipinapahid sa noo ng mga mananampalataya kapag Miercules de Senisa, kinukulekta ng mga pati ang mga palm na ginamit noong nakaraang taon sa Palm Sunday. Sinusunog ito, binibendisyunan uli at ikinukrus sa noo bilang tanda ng paniniwalang si Cristo ay namatay, si Cristo ay nabuhay at si Cristo ay babalik sa wakas ng panahon.

Ano ang purpose ng Lent? Ito ang panahon ng reflection at paghingi ng kapatawaran. Panahon din ito ng paghahanda upang ipagdiwang ang muling pagkabuhay ni Jesus matapos mamatay sa krus.

Ang tatlong haligi ng cuaresma ay ang panalangin, fasting at pag-aalay ng limos. Ito ang daan upang mas maging malapit sa Diyos.

Kung magsasagawa ka ng fasting, syempre pwedeng uminom ng tubig. Kailangan ito upang hindi ka mag-collapse. Kung kulang ka sa tubig, sasakit ang ulo mo, magkakaroon ng muscle cramps, mahihilo at parang pagod na pagod.

Exempted nga pala sa fasting ang mga batang wala pang 14 years old at mga nakatatandang may edad 65 pataas. Sa panahon ng fasting bawal ang kahit anong uri ng karne, pero pwede ang itlog gatas, isda, grains, prutas at gulay.

Sakaling makalimutan mong Ash Wednesday na pala at hindi ka nakapagpakrus ng abo, wala ka namang nagawang kasalanan. Hindi totoong hindi ka makakaakyat sa langit kapag hindi nakapagpakrus sa Ash Wednesday dahil hindi naman ito holy day o day of obligation.

Magkita na lang po tayo sa simbahan ngayong Miyerkules at simulan natin ang paghahanda sa cuaresma. NLVN