ASI MAY ASIM PA

on the spot- pilipino mirror

MALAKAS at nakasasabay pa kahit papaano itong si Asi Taulava. Sa katunayan, ang 6’9 Fil-Tongan ay binigyan pa ng isang taong kontrata ng NLEX Road Warriors. Bagama’t nasa  46 na si Taulava, tuloy pa rin ang basketball sa kanya. Makakasama niya sa kampo ng NLEX sina Poy Erram, JR Quinahan, Raul Soyud at rookie Will McCaloney. May maitutulong pa naman si Taulava kaya  binigyan pa siya ng pagkakataon ng management na makapaglaro sa team. Saka wala naman nang dapat na patunayan si Asi dahil minsan na siyang itinanghal na MVP.



Marami talagang humanga kay Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra sa performance na ipinakita niya sa best-of- seven championship game nila kontra Meralco. Lahat ng naging coach niya ay humanga sa kanyang nilaro. Kung kailan nga raw nakapag-asawa ay lumabas ang tunay na laro ng Kapampangan. Ayon kina coaches Chot Reyes, Yeng Guiao at Tim Cone, nag-mature na si Japeth. Hindi tulad dati na kaunting kanti lang sa kanya ay nagrereklamo agad sa referees. Sa finals ng Governors’ Cup, ibang-ibang Japeth ang napanood nila. Ito ang  player na makatutulong sa national team, may tapang, may puso at kayang dalhin ang team. Nasa ibang level na umano ang anak ng dating Ginebra player na si Peter Aguilar. Congrats!



Upang makatulong sa patuloy na adbokasiya ng pribadong sektor na mapanatiling malinis ang kapaligiran, ang mga mananakbong may malasakit sa kalikasan ay inaasahang lalahok sa 4th edition ng Takbo sa Kalikasan 2020 na sisimulan sa Mayo 31.

Sa pagbisita sa TOPS (Tabloids Organization in Philippines Sports) Usapang Sports 52nd edition, sinabi ni Jenny Lumba, organizer ng green event, na  bago pasimulan ang first series ng event ay idaraos din ang pagsuporta nila sa LGBTQ sa Pebrero 16 sa CCP Complex Pasay City upang magpasalamat dahil sila ang mga pangunahing tumatangkilik ng fun run at nagbibigay inspirasyon sa marami pa na  palaganapin ang susunod nilang mga programa tulad ng pride run at #lovewins advocacy.

“Patuloy po ang aming community outreach tulad noong nakaraang taon kung saan ang Green Media events team at ilang volunteers namin ay namahagi ng groceries, medicines at feeding programs sa kanilang missionaries of charity home of joy for the sick children at lalo na nitong mga naapektuhan ng Bulkang Taal ay sisikapin naming makapagpaabot din sa kanila ng tulong,” ani Lumba na hinikayat din ang runners na magdala ng sarili nilang mga lalagyan ng tubig habang tumatakbo upang mabawasan ang pagtatapon ng plastic cups sa mga daraanang ruta at makatulong sa maayos na kapaligiran.

Hinikayat din ni Fritz Labastida, ang running ambassadress at tinaguriang barefoot diva ng event, ang mga kalahok sa 3k,5k,10k at 16k na huwag mag-atubiling lumahok para na rin manatiling malakas ang pangangatawan at manatili ang kalusugan. “Marahil sa rami ko pong napapasayang mga tao at naging inspirasyon na ako ng mga runner dahil sa pagtakbo kong walang sapatos dahil sa napakamahal ng mga branded na shoes ay pinagkatiwalaan na po ako ng event na ito para mapalaganap pa ang kanilang adbokasiya. Inaanyayahan po namin kayo na lumahok at subukan ang malusog na ehersisyo ng pagtakbo,” sabi ni Labastida.

Binubuo ang event series ng apat na elemento ng daigdig kung saan ang 2nd edition ay sa Hulyo 19 na Water Run, sa Set. 20 ang Air Run at ang 4th edition ay ang Earth Run sa Nob. 22.

Comments are closed.