ASIAD: ABUEVA, ROMEO, PERKINS, TAUTUAA ‘OUT’ SA GILAS LINEUP

gilas

BINALASA ng Gilas Pilipinas ang lineup nito, ilang araw na lamang bago ang 19th Asian Games sa September 26 sa Hangzhou, China.

Inanunsiyo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) nitong Martes na posibleng palitan nina Chris Ross, CJ Perez, Kevin Alas, at Arvin Tolentino sina Mo Tautuaa, Calvin Abueva, Jason Perkins, at Terrence Romeo sa roster.

Samantala, papalitan ni Marcio Lassiter si RR Pogoy na umatras sa national team dahil sa “serious health issue.”

Sina Abueva at Perkins ay hindi bahagi ng original 60-man pool na isinumite ng SBP sa Hangzhou Asian Games Organizing Committee (HAGOC).

Ang dalawang forwards na pinili ni Gilas interim head coach Tim Cone bilang kapalit nina Jamie Malonzo at Brandon Ganuelas-Rosser ay hindi makapaglalaro dahil sa injuries.

Bagaman kasama sila sa 60-man pool, sina Romeo at Tautuaa ay nawala sa updated 37-man pool na sinusunod ng HAGOC.

Ang lahat ng players ay nag-eensayo sa Inspire Sports Academy in Calamba, Laguna habang hinihintay ng SBP ang pinal na desisyon ng organizing committee na inaasahang ilalabas sa loob ng 24 hanggang 48 oras.

Sisimulan ng Gilas Pilipinas ang kanilang kampanya sa September 26 kontra Bahrain.

-CLYDE MARIANO