BIBIGYANG-PUGAY sa San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Awards Night ang mahabang listahan ng mga atleta, personalidad, at entities sa Jan. 29 sa grand ballroom ng Diamond Hotel.
Kinabibilangan ng gold medalists ng 19th Asian Games, 32nd Southeast Asian Games, Asian Para Games, at ASEAN Para Games ang karamihan sa pagkakalooban ng citations ng 75-year-old media organization na pinamumunuan ng presidente nito na si Nelson Beltran, sports editor ng The Philippine Star.
Ang bansa ay nagwagi ng apat na golds sa Hangzou Asiad, 58 golds sa Cambodia SEA Games, at 34 at 10 golds sa Asiad at ASEAN Para Games, ayon sa pagkakasunod.
Si world no. 2 pole vaulter EJ Obiena ay tatanggap ng dalawang citations para sa kanyang record-breaking feats sa parehong regional meet, bukod sa Athlete of the Year award na igagawad sa kanya sa traditional awards night.
Magsisimula ang registration sa alas-6 ng gabi. Ang mga awardee at guest na hindi makatatanggap ng hard copy ng kanilang invitations ay maaari itong direktang kunin sa registration table ng venue sa parehong araw.
Bukod kay Obiena, ang Gilas Pilipinas men’s basketball team at ang jiu-jitsu pair nina Annie Ramirez at Margarita ‘Meggie’ Ochoa ang tatlong iba pang gold medalists ng Pilipinas sa Hangzhou, China.
Ang iba pang pararangalan ay sina Bianca Bustamante (motorsport), Creamline Cool Smashers (volleyball), Philippine Boys Bowling Team, Mark Lester Ragay, Mark Anthony Polo, and Vincent Ventura (wushu), Team Bago City at Team Manila (softball), AP Bren (esports), Efren Bagamasbad (chess), Standard Insurance Centennial V (sailing), Kaila Napolis (jiu-jitsu), Darius Venerable (taekwondo), Rhichein Yosorez at Alyssa Mallari (muay thai), Kevin Pascua (obstacle course), at Veronica Ompod (powerlifting).
Magiging bahagi rin si double gold medalists Carlos Yulo ng gymnastics sa mga bibigyan ng citations sa Cambodia SEA Games, kasama sina Olympians Eric Cray (track and field) Carlo Paalam (boxing), Nesthy Petecio (boxing), Kirstie Alora (taekwondo), at Kurt Barbosa (taekwondo).
Pararangalan din si karate gold medal winner Jamie Lim, na ang late father na si basketball great Avelino ‘Samboy’ Lim, ay gagawaran ng Lifetime Achievement Award,
Sa hanay ng para athletes, ang mga tatanggap ng citations ay pinangungunahan nina multi-medalists Ernie Gawilan, Darry Bernardo, Menandro Redor, Henry Roger Lopez, Angel Otom, Gary Bejino, Ariel Joseph Alegarbes, Jerrold Mangliwan, Cendy Asusano, Andrei Kuizon, Evaristo Carbonel, Cheyzer Mendoza, Sander Severino, at Armand Subaste.