AARANGKADA ang pinakamalaking Asian Games sa kasaysayan, na lalahukan ng 12,000 atleta — na mas marami pa sa Olympics — sa Sabado sa Hangzhou, China matapos ang isang taong pagkakaantala dahil sa COVID-19.
Magbabakbakan ang mga atleta, kabilang ang world at Olympic champions, para sa medalya sa 40 sports mula athletics, swimming at football hanggang eSports at bridge.
Siyam na sports, kabilang ang boxing, break dancing at tennis, ang magsisilbing qualifiers para sa Paris Olympics sa susunod na taon.
Ang Games ay nakatakda sanang idaos noong nakaraang September subalit ipinagpaliban dahil sa mahigpit na zero-COVID rules ng China.
Ang 19th edition ng Games, na unang ginanap sa New Delhi noong 1951, ay lalahukan ng mga atleta mula sa 45 bansa at territories sa buong Asia at Middle East.
Para sa China, na naging hosts ng 2022 Winter Olympics sa isang COVID-19-secure “bubble” sa Beijing, ito ang pagkakataon para maipakita ang kanilang organizational, sporting at technological prowess makaraang ihiwalay ng pandemic years ang bansa sa sporting world.
“We have overcome a lot of challenges but we are now fully conditioned to hold a successful Games,” wika ni Chen Weiqiang, chief spokesperson para sa Games.
Ang Games ay idaraos sa 54 venues — 14 newly constructed — karamihan ay sa Hangzhou ngunit mayroon din sa ibang mga lungsod tulad ng Wenzhou, 300 kilometers (180 miles) south.
Ang centrepiece ay ang “Big Lotus” Olympic stadium na may kapasidad na hanggang 80,000 kung saan idaraos ang athletics at ang opening at closing ceremonies.
Ayon sa Chinese state media, dadalo si Presidente Xi Jinping sa opening ceremony at makikipagpulong kay Syrian counterpart Bashar al-Assad doon, kasama ang iba pang visiting leaders,
Ito ang unang pagbisita ni Assad sa kaalyadong China magmula nang sumiklab ang giyera sa Syria noong 2011.
Dumalo rin si Russian President Vladimir Putin sa opening ceremony ng Beijing Winter Olympics, kasama si Xi, at pagkalipas ng ilang linggo ay sinakop ang Ukraine.
Bagama’t ang Games ay opisyal na magbubukas sa Sabado, ang sporting action ay nagsimula na noong Martes, kung kailan bumalik ang North Korea sa major international competition sa unang pagkakataon magmula noong pandemya sa 2-0 win kontra Taiwan sa men’s football.