ASIAN GAMES: PEREZ SINIKWAT ANG UNANG MEDALYA NG PINAS

HANGZHOU, China – Si taekwondo jin King Patrick Perez ang unang Filipino athlete na nagwagi ng medalya sa 19th Asian Games dito.

Ito ay makaraang makopo niya ang bronze sa men’s individual poomsae nitong Linggo sa Lin’an Sports Culture & Exhibition Centre.

Ang 23-anyos na si Perez ay nagwagi sa kanyang unang dalawang katunggali bago yumuko kay Asia’s No. 2 Taiwanese Ma Yun Zhong sa semis.

Ang Taiwanese ay nakalikom ng 7.450 laban sa 6.910 ni Perez.

Sa kabila ng pagkatalo, si Perez ay larawan pa rin ng kasiyahan, at sinabing: “I did my very best but I lost to a better player today.”

“I could not believe I won a bronze, I am really happy,” dagdag pa niya.

Nagposte si Perez, produkto ng La Salle, ng 7.700 points upang dispatsahin si Souksavanh Chanthilath ng Lao People’s Democratic Republic na may 7.440 points. Kontra Limbu Prem Bahadur ng Nepal, si Perez ay nakakolekta ng 7.560 points laban sa 7.160 lamang ng katunggali.

Ang unang casualty sa 12-man taekwondo team ay si Jocel Lyn Ninobla makaraang makaharap ang isa sa Korean aces, sa katauhan ni Cha Yeaeun, sa Round of 16.

Ngayong Lunes ay sisikapin ni SEAG champion Kurt Bryan Barbosa na makopo ang gold medal kontra Uzbek Omonjon Otajonov sa men’s -58kg.