NEW YORK, USA- SINAMANTALA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang oportunidad ng pagdalo sa ika-77 United Nations General Assembly sa New York City upang ipanawagan na mawala na ang racism at Asian hate habang tiniyak na ipinatutupad ang human rights program ng UN sa Pilipinas.
“We still dream of an end to the disturbing incidents of racism, of Asian hate, of all prejudice,” bahagi ng talumpati ni Pangulong Marcos.
Aniya, ang Philippines-United Nations Joint Programme on Human Rights ay isang halimbawa ng constructive approach na nagpapatatag sa sangkatauhan.
Ang programa aniya ng UN ay nagbibigay ng matatag na halimbawa at istraktura sa mga miyembro ng UN.
“It provides a model for revitalizing the structures that facilitates solidarity between the United Nations and a sovereign duty-bearer,” dagdag ni Marcos.
Pinatatag din ng nasabing programa ang commitment ng bawat bansang kasapi nito para maproteksiyonan ang human rights at kahalagahan ng demokrasya para sa civil society gayundin ang prinsipyo ng international cooperation.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na humaharap ang UN sa mga hamon ng sitwasyon sa kasalukuyan.
“We are, indeed, at a watershed moment; one that requires a re-founding of these, our United Nations,” ani Marcos. Subalit naniniwala ito na handa naman ang mundo sa mga pagbabago lalo na’t ang bawat lider ay handa rin sa pagkilos.
“The world is ready for transformation. It is up to us as leaders of our nations to move and shape that transformation.”
Ang Pilipinas ay isa sa original na 51 charter members na bumuo sa United Nations noong 1945.
Nabanggit din ng Pangulo sa kanyang talumpati ang usapin sa climate change at food security. EVELYN QUIROZ