MAGBABALIK sina Stefanie Fejes at Jana Milutinovic ng Australia para magtangka sa isa pang titulo habang makikihamok ang Alas Pilipinas para sa podium spots sa 2024 Asian Senior Beach Volleyball Championships simula sa Nobyembre 5 sa Nuvali Sand Courts sa City of Santa Rosa.
Ang Aussie pair ay namayani sa Asian Volleyball Confederation (AVC) Beach Tour Nuvali Open noong Abril at nagkumpirma ng kanilang paglahok kasama ang 19 iba pang women’s tandems sa six-day event na iho-host ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF).
Ayon kay PNVF and Asian Volleyball Confederation president Ramon “Tats” Suzara, walong iba pang women’s teams ang dadaan sa qualifying para sa nalalabing apat na slots sa main draw.
Nakatakda ring magbalik sina Iran’s Abbas Pourasgari at Alireza Aghajanighasab upang duplikahin ang kanilang Nuvali Open triumph at pangungunahan ang 20 pares na nasa men’s main draw na.
Labingsiyam na pares ang kumpirmado para sa qualifying phase na magdedetermina sa makakakuha ng apat na open slots sa main draw.
Balik-aksiyon din si Jasmine Fleming, na nagwagi ng silver medal katambal si Georgia Johnson noong Abril at makakapartner ngayon si Elizabeth Alchin.
Muling sasandal ang Pilipinas sa Philippine Air Force duo nina Gen Eslapor at Kly Orillaneda, na umabot sa Round of 16 noong nakaraang summer.
Sina Khylem Progella at Sofiah Pagara, teammates sa University of Santo Tomas, ay nasa main draw rin ng torneo.
Sisikapin ng ikatlong Philippine pair — Philippine Army’s Alexa Polidario at Coast Guard’s Jenny Gaviola — na makapasok sa qualifying tournament.
Binago rin ang PNVF beach volleyball program sa Alas Pilipinas men’s side nang pagtambalin sina Southeast Asian Games veterans Ran Abdilla at James Buytrago.
Si Rancel Varga, nagwagi ng silver medal kasama si Buytrago sa FIVB Volleyball World Beach Pro Tour Futures noong Abril, ay makikipagtambalan kay Lerry John Francisco.
Pasok din sina University of Perpetual Help star Ronniel Rosales at ex-National University stalwart Edwin Tolentino sa men’s qualifiers.