ASIN DI NA KAILANGANG GAWING IODIZED

HINDI  na mandatory sa mga salt maker na gawing iodized ang asin sa bagong batas na “Philippine Salt Industry Development Act,” na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong“ Marcos Jr. kamakailan upang hindi na ito maging suliranin ng mga nasa industriyang ito.

Ito ang ipinahayag ni Department of Agriculture Asst. Secretary and Spokesperson Engr. Arnel V. De Mesa sa panayam ng media.

“Binago na ng batas na ito yung dating batas yung “Asin Law”. Superseded niya na yung dating batas. Superseded yun wala na yun dito sa panibagong batas. So mas mabibigyan ng proteksyon ang salt maker dahil sa pinoproblema nila dati,” ang sabi ni De Mesa.

Sa dating batas na Republic Act 8172 or the Act for Salt Iodization Nationwide (ASIN) nakasaad dito na kailangan ay iodized ang mga locally-produced salt. Sinisi ang probisyong ito ng mga senador sa pagkamatay umano ng salt industry sa bansa.

Noong 2023, sinabi ni Senador Cynthia Villar, na sa halip na makatulong ang 1995 ASIN Law upang palaguin ang salt industry ng bansa, nakahadlang pa aniya ang batas na ito sa mga gumagawa ng asin.Iginiit ni Villar na hayaan na lamang dapat ang ibang manufacturer mag- iodize nito at hindi ang mga ordinaryong salt maker.

Ayon kay Villar, ang Pilipinas ay nakapagpo-produce ng 240,000 metric tons kada taon at humina lang nang naipasa ang 1995 ASIN Law.

“ Last 2020 we were importing around 550,000 metric tons(MT).Yung demand ng edible salt lamang ay nasa 600,000 MT. yung kailangan natin.And then yung agriculture lalo na yung coconut natin kailangan din nu’n ng asin for their fertilizer requirements.Very small lang ang napo-produce natin.More than 90 percent are being imported,”ang sabi ni De Mesa.

Pagdidiin ni De Mesa, inaasahan ng mga opisyal ng DA na sa pagkakapasa ng bagong batas na “ Philippine Salt Industry Development Act,” ito ay magpapayabong sa industriya ng paggawa ng asin sa Pilipinas.

Subalit batid din aniya ng DA na kailangan pa rin na magkaroon ng iodized salt para sa well being lalo na ng mga kabataan.

“Malaking tulong yan para sa mga salt farmers natin.Itinatakda ng batas na una kailangan gawin yung road map para doon sa salt.Kailangan mag allocate din ng fund of course magtatayo ng parang council na pinamumunuan ng DA,” ani De Mesa.

Paliwanag ni De Mesa, nagtakda rin ng batas para sa tariffication ng salt.”Yung nakokolekta na tariff dun ay gagamitin para sa seed set yung salt industry competitiveness enhancement fund. 50 percent nu’n will go to mechanization, 40 percent para sa post harvest 5 percent para sa extension and another 5 percent ay para sa research and development ng salt industry.So yun ang magiging parang sa kabuuan,”sabi ni De Mesa.

“Malaking bagay ito dahil maga-allocate ng pondo ang pamahalaan especially ang DA at bukod dito ay mayroon ding pondo separately yung manggagaling sa seed,” sabi niya.

“At ilalaan ngayon kasi dati hindi binibigyang importansya ang salt.Ngayon mayroon nang specific instruction ang batas na gawin yung road map in the next five years. At mayroon ding council na tututok para dito sa salt. Ngayon may mga specific programs pa for mechanization, post harvest,development at napakarami pang ahensyang involve.Merong partikular na pagtutok ngayon para palaguin yung salt industry development,”sabi ni De Mesa.

“Kasi napakalawak ng coastline natin at isa pa palang napakaimportanteng batas ay aatasan ng DENR na yung mga lupa ma-idenify na para magamit dito ay ita -transfer sa pangangalaga ng BFAR.At yung mag- a-apply ay BFAR na rin ang mamamahala.Region 9,Region 6, central Luzon,Region 1, of course coastline areas natin lalo na yung eligible na talagang pwedeng gamitin for salt development,”dagdag ni De Mesa.Ma. Luisa Macabuhay-Garcia