HINIMOK ng isang consumer advocacy group ang pamahalaan na paigtingin ang pagpapatupad ng Salt Iodization Law o ang Asin Law sa halip na buwisan ang maaalat na pagkain.
Ayon kay Laban Konsyumer Incorporated President Vic Dimagiba, may posibilidad na hindi lamang usapin ng kalusugan ang dahilan sa nabanggit na panukala.
“Dalawang bagay ‘yan e. Una, ‘yung purely tax revenue measure, and second ‘yung tinatawag nilang health issue,” ani Dimagiba.
Nauna nang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na makatutulong ang pagpapataw ng buwis sa maaalat na pagkain para maiwasan ang panganib sa kalusugan sa publiko.
Anang kalihim, ang labis na pagkonsumo ng asin ay nananatiling public health concern dahil nagdudulot ito ng hypertension, kidney failure at iba pang kumplikasyon.
Ayon kay Duque, ang naturang panganib ay maaaring mabawasan sa pamamagitan ng pagpapataw ng buwis na katulad ng sa sugary drinks.
Binigyang-diin ni Dimagiba na makabubuti kung titingnan muna ng pamahalaan kung naipatutupad nang maayos ang Republic Act no. 8172 of 1995 o ang Asin Law.
Aniya, ito ang solusyon sa usapin ng kalusugan ng publiko kaugnay sa pagkaing maaalat lalo’t hindi lahat ng produkto ay may nakalagay sa label kung anong klase ng asin ang ginamit sa mga ito.
“’Yung binibili natin na sardinas na nasa bote, ‘pag tiningnan mo ‘yung ingredients content hindi naman nakalagay na iodized salt e. Ang nakalagay sodium, so hindi mo alam kung ‘yun ba ay iodized. Kasi mayroon ding requirement na ile-label mo ‘yung mga produkto.”
Sa ilalim ng Republic Act no. 8172 of 1995 o Asin Law, inaatasan ang lahat ng food producers na gumamit ng iodized salt dahil sa pagtataglay nito ng bitaminang iodine na hindi tulad ng regular na asin.
“Kung tina-tax nila ay salty food per se ay teka muna, balikan muna nila ‘yung Asin Law kasi sayang e. Kung ‘yan ay naipatupad at ipinatutupad, ‘yan po ang sagot doon sa healthissue sa salty food,” dagdag pa niya.
Iginiit pa ng consumer group chief na ang pagpapataw ng buwis sa maaalat na pagkain ay magiging inflationary at makaaapekto sa mahihirap na consumers.
“Inflationary po siya kasi ipapasa sa ‘tin e. Wala namang negosyante ang nag-a-absorb ng added taxes,” ani Dimagiba. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.