QUEZON-NAHAHARAP sa kasong paglabag sa RA 10631 o The Animal Welfare Act Of 1998, ang dalawang mangingisda matapos katayin ang nawawalang aso ng isang pamilya na nag-outing sa isang resort sa Sariaya sa lalawigang ito.
Base sa report ni Maj. Romar Pacis, hepe ng Sariaya PNP na galing sa Sta Cruz, Laguna ay nagtungo ang pamilya ng may-ari ng aso sa Villa del Prado Resort sa Barangay Bignay Uno sa nasabing bayan kasama ang dalawang alagang aso nitong nakaraang Martes.
Subalit, bandang hapon nang mapansin ng mag-anak na nawawala ang isa nilang alagang aso.
Agad na humingi ang mga ito ng tulong sa mga tauhan ng resort para makita at mahanap ang kanilang alagang aso at nag-alok pa ng P5,000 ang may-ari para sa sinumang makakakita at makakapagbalik sa kanilang aso.
Matapos na i-post sa social media ang larawan at pabuya, kaagad na may nagbigay ng impormasyon na ang nawawalang aso ay kasalukuyang kinakatay na ng dalawang mangingisda sa lugar na hindi kalayuan sa resort.
Agad namang humingi ng tulong sa Sariaya PNP ang pamilya na nagresulta sa agarang pagkakaaresto ng isa sa mga suspek na si Renato Castillo, 51- anyos, samantalang nagawa namang makatakas ng isa pang suspek na nakilala lamang sa alyas “Bunso” na patuloy pang pinaghahanap ng Sariaya PNP. BONG RIVERA