ASO, PUSA PUWEDE NANG ISAKAY SA LRT 2

SIMULA sa Pebrero 1, maaari nang isakay ng mga pasahero ang kanilang mga alagang aso at pusa sa LRT line 2.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Atty. Hernando Cabrera, LRTA spokesperson, mayroon lamang na mga panuntunan na dapat sundin na dapat ay fully vaccinated ang mga alagang hayop na isasakay, nakalagay ito sa malinis at maayos na kulungan at kung maaari ay maliliit lamang o katamtaman ang alaga at nakasuot ng diaper para hindi makaabala sa ibang mga pasahero.

Nilinaw ni Cabrera na ipinagbabawal na nakatali lamang ang mga hayop, ang dapat ay nakakulong ito.

Sinabi ni Cabrera na sa ngayon ay inaayos na nila ang deployment ng mga security personnel para sa maayos na pagpapatupad na panuntunan.

Tiniyak ni Cabrera na handa silang mag-adjust ng mga patakaran sa pag usad ng pagpapatupad nito batay sa maoobserbahan o makikitang kailangan pang pagbutihin sa mga unang linggo ng programa.

Aniya, layon nito na gawing pet friendly ang sistema.

Binigyang diin ni Cabrera na sa LRT line 2 lamang ito ipatutupad bagaman sa mga nakaraang taon ay may kapareho na ring programa rito ang MRT 2.

Umaasa si Cabrera na makapagpapatupad na rin ng katulad na programa ang LRT line 1 sa mga susunod na panahon. BETH C