ASSISTIVE DEVICES INIHANDOG NI SEN. TOLENTINO SA PWDs, SENIORS

LABIS ang katuwaang nararamdaman ng mga Person with Disabilities (PWDs), Senior Citizens at mga walang ngipin sa bayan ng Silang sa Cavite matapos handugan ang mga ito ng kanilang pangangailangang medical at assistive devices mula sa pondo ni Senator Francis Tolentino nitong Lunes, Oktubre 14.

Ang distribution of free wheelchairs, eyeglasses, free dentures o libreng pustiso at mga gamot ay isinagawa sa lobby ng Municipal Hall sa naturang bayan dakong ala-una ng hapon kung saan ito ay dinaluhan ni Tagaytay City Councilor Michael Miko Tolentino, anak ng Senador kasama ang kanyang kapatid.

Katuwang ng tanggapan ni Tolentino ang Department of Health (DOH) sa naturang distribusyon ay pinakinabangan ng mga residente sa iba’t-ibang barangay ng Silang.

Ayon sa batang Tolentino, ang aktibidad ay kauna-unahan at pangmatagalang programa ng kanyang ama sa buong bansa.

“First time lang ‘to naming ginawa di tulad ng AICS o TUPAD na hindi siya pangmatagalan, iyong mga salamin, pustiso pangmatagalan na, iyan po ang mga proyektong inihain ni Senator Tolentino sa inyo dito sa Cavite” ani Konsehal Tolentino.

Dagdag pa nito, ang nasabing tulong medikal ng senador ay nakarating na sa iba’t-ibang panig ng bansa.

Samantala, sinabi ni Acting Mayor Edward Carranza na ramdam ng mga mamamayan ang serbisyong ibinibigay ng senador sa kanilang bayan.

“Gusto po natin na lalong gumanda ang probinsya ng Cavite, kailangan po natin ang mga representante sa Senado at siyempre po ang pinakamalapit po sa ating bayan, ang Tagaytay City, ramdam na ramdam ng mga taga-Silang ang serbisyong ibinibigay ni Senator Tolentino, sama-sama tayong isulong bayan ng Silang at Cavite” ani Carranza.

RUBEN FUENTES