ASST. MANAGER NG CONVENIENCE STORE HULI SA  PANANANTSING

panghihipo

VALENZUELA CITY – ARESTADO ang assistance manager ng isang convenience store matapos ireklamo sa madalas umanong pananantsing sa 18-anyos na service clerk sa Valenzuela City.

Kinilala ang suspek na si alyas Alvin, 26, assistant manager ng isang convenience store sa kanto ng Pio Valenzuela St., Mac Arthur Highway.

Sa pahayag ng biktimang itinago sa pa­ngalang “Vicky”, nagsi­mula ang pananantsing sa kanya ng kanilang assistant manager noon pang buwan ng Abril at bukod dito’y madalas din aniya siyang pagsalitaan ng kabastusan na labis niyang ikinaiirita.

Alas-9:00 ng umaga, habang abala siya sa pagtatrabaho, dalawang ulit umanong tinapik ng suspek ang kanyang puwitan, subalit pinilit niyang ma­ging mahinahon.

Bandang alas-11 ng umaga, nang hindi sinasadyang maupuan niya ang ilang gamit ng suspek kaya’t muling tinapik at piniga ng dalawang ulit ng lalaki ang kanyang puwitan.

Pagsapit ng alas-4 ng hapon nang sikuhin umano ng suspek ang kanyang dibdib kaya’t pagkatapos ng kanyang trabaho dakong alas-7 ng gabi ay ipinasiya na niyang mag­reklamo sa pulisya na nag­resulta sa pagkakadakip kay alyas Alvin.

Kaso ng acts of lasciviousness at unjust vexation ang isinampa ng pulisya laban kay alyas Alvin sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. EVELYN GARCIA

Comments are closed.