OPISYAL nang inendorso ng party-list group na AKO-OFW (Advocates and Keepers Organization of OFWs o mga Overseas Filipino Workers) si Astra Pimentel para sa Senado sa darating na halalan ngayong Mayo dahil sa pagsusulong nito ng kapakanan at interes ng mga migranteng Pilipino.
Inanunsiyo ito ni AKO-OFW first nominee Dr. Chie Umandap, isang dating OFW na dentista sa Kuwait.
Aniya, kanilang masigasig na pinag-aralan ang mga agenda at posisyon sa iba’t ibang mga isyung panlipunan ng mga kumakandidato sa pagka-senador sa iba’t ibang mga debate, forum, at mga panayam na lumabas sa telebisyon, radio, ini-stream sa internet, at pati na rin mga naisulat at nailathala sa mga diyaryo at mga online news sites.
“Miss Astra Pimentel really stood out in all these publisized discussions, and she proved herself to be a true pro-OFW Senate candidate,” paliwanag ni Dr. Umandap.
Sa nakaraang senatorial debate na inere ng SMNI kung saan ang mga bawat kandidato ay tinanong kung ano ang kanilang prayoridad kapag sila ay mahalal bilang isenador, binanggit ni Pimentel na nangunguna sa kanyang listahan ang pagbibigay halaga sa mga matagal nang pangangailangan ng mga OFW, katulad na mga programa para mabigyan ng pension, pabahay, discount system, at pagpapaaral sa kanilang mga anak.
Ani Dr. Umandap: “These are indeed among the most pressing needs of migrant Filipino workers and their dependents. Miss Pimentel clearly has a firm grasp and understanding of the plight of OFWs, primarily due to her stint as former executive director of the Commission on Filipino Overseas (CFO), an attached agency of the Office of the President of the Philippines.”
Ayon sa grupong AKO-OFW, naimungkahi rin ni Pimentel sa iba’t ibang mga pampublikong diskusyon na panahon na upang amyendahan ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas upang ito ay sumang-ayon sa mga moderno at napapanahong pangangailangan ng bansa, kasama rito ang pagbibigay ng maayos na edukasyon sa mga naninirahan sa liblib na lugar lalo na sa iba’t ibang katutubo ng bansa, pati na rin ang muling pagkakaroon ng negosasyon at pagpapalakas ng Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pilipinas at ng Estados Unidos.
Idineklara ng AKO-OFW party list, na pang-10 sa balota, na kanilang susuportahan at ikakampanya ang pagtakbo ni Binibining Pimentel, na siya namang numero 51 sa balota sa pagka-senador.
Iaanunsiyo ng AKO OFW sa mga susunod pang mga araw ang iba pa nilang susuportahan at ikakampanya sa mga tumatakbong senador. Base ito sa kanilang masusing pag-aaral ng mga pang-batasang agenda ng bawat isa, at mapagtanto kung sino sa mga ito ang prayoridad ang kapakanan ng mga OFWs at ang mga pangangailangan at mithiin ng bawat Pilipino.