ATHLETES, COACHES SSS MEMBERS NA

William and Aurora

SA WAKAS ay magi­ging miyembro na ng Social Security System (SSS) ang national athletes, coaches at trainers.

Ito ay makaraang pormal na lagdaan nina Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William I. Ramirez at SSS President and Chief Executive Officer Aurora C. Ignacio ang isang Memorandum of Agreement kahapon sa Rizal Memorial Sports Complex sa Manila.

“I was so surprised and I’m so happy that such a big courier organization of the country is partnering with us, helping us with our athletes,” wika ni Ramirez sa kanyang welcome speech.

Naniniwala rin si Ramirez na ang makasaysayang partnership na ito ay magiging isa sa legacies na nais nilang iwan sa mga atleta, coach at trainer.

“These are our legacy na iiwanan, big part of this. Sa pananaw ko, no single Bureau or Department can achieve this goal without collaboration with the other agency and I think this is an example of a great collaboration,” dagdag ni Ramirez.

Kasama ni Ra­mirez ang kanyang tatlong commissioners na sina Charles Raymond Maxey, Celia Kiram at Arnold Agustin.

Sa panig naman ng SSS, si Ignacio ay sinamahan  nina SSS NCR Operations Group Senior Vice President Jose B. Bautista at SSS Concurrent Acting Senior Vice President Antonio S. Argabioso.

“Unang-una  ho, kami ho ang dapat na magpasalamat sa inyo. Kami ho ang mas na­ngangailangan talaga na mai-cover ang inyong mga coach, trainer at athlete,” ani Ignacio.

Binigyang-diin ni Ignacio ang kahalagahan ng SSS sa national athletes, coaches at trainers na patuloy na nagbibigay ng karangalan sa bansa sa international sport arena.

“Kailangang ho silang bigyan ng proteksiyon gaya nga na sabi ng Presidente. Mara­ming atleta na tumatanda na lang at hindi sila natutulungan sa pagpapa-ospital sa kanilang pagtanda, so with the SSS coverage hindi lang ho ‘yung sickness at disability ang makukuha nila, there are other benefits lalo na sa atletang babae,” dagdag pa ni Ignacio.

Ang PSC ang government sports arm na sumusuporta sa pagsasanay at exposures ng may 1180 national athletes mula sa 58 National Sports Associations (NSAs). CLYDE MARIANO

Comments are closed.