MAGBABALIK ang Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum ngayong Martes (Sept 12) kung saan magiging sentro ng talakayan ang nalalapit na kampanya ng national track and field team sa 19th Asian Games at ang Season 2 ng PBA Esports Bakbakan.
Tatalakayin nina national coaches Isidro Del Prado at Dario De Rosas ang kampanya ng Filipino tracksters sa Hangzhou Asiad na pangungunahan ni world no. 2 pole vaulter EJ Obiena, na galing sa silver medal finish sa katatapos na World Athletics Championship sa Hungary.
Samantala, ang bagong season ng PBA Esports ang bubuo sa unang bahagi ng 10:00 a.m. session sa conference hall ng Rizal Memorial Sports Complex.
Tatalakayin ito nina AC Valdenor, CEO ng organizing Dark League Studios, at brand manager Dan Cubangay.
Ang public sports program ay itinataguyod ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, MILO, Philippine Olympic Committee, at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Hinihikayat ni PSA president Nelson Beltran, sports editor ng Philippine Star, ang mga miyembro ng pinakamatagal na media organization sa bansa na dumalo sa session na naka-livestream via PSA Facebook page fb.com/PhilippineSportswritersAssociation at mapakikinggan sa delayed basis sa Radyo Pilipinas 2, na ibinabahagi rin ito sa kanilang official Facebook page.