ATI INIREKLAMO SA MABAGAL NA PAG-ISYU NG GATE PASS

ATI

DUMARAMI ang bilang ng mga nagrereklamong customs brokers at importers dahil sa mabagal na pagpapalabas ng gate pass ng Asian Terminals Inc. (ATI) sa Manila South Harbor, Port Area.

Umaabot na sa 500 metrong haba ng pila ng mga customs broker sa opisina ng ATI para makakuha ng gate pass upang mailabas ang kani-kanilang kargamentong lulan ng 20 at 40 foot container van  mula sa iba’t ibang bansa.

Napag-alaman na ilang araw nang naka-down ang computer system ng ATI kaya natigil ang pagproseso ng gate pass na kung saan ay lumagpas na sila sa ibinibigay na 5-araw na free storage  sa mga nakapilang container truck sa Port Area.

Kaugnay nito, ini­rereklamo ng mga customs broker ang pani­ningil ng ATI na halagang P539 kada 20 foot container van habang aabot naman sa P1,200 sa 40 footer container van para sa kanilang storage fee.

“Ang problema is computer system nila, ang nagkaproblema bakit ipapabayad nila sa mga importer?,” pahayag ng ilang customs brokers.

Nabatid pa na kapag napuno ang storage ng ATI sa Manila South Harbor ay ililipat sila sa ibang storage facilities na kung saan ay magbabayad ng karagdagang P25K kada container ang isang importer. MHAR BASCO

Comments are closed.